NANUMPA na ang advisory council ng Manila Police District (MPD) na magmo-monitor sa implementasyon ng PNP Patrol Plan 2030 o ang Peace and order Agenda for Transformation and Upholding of the Rule Of Law.
Ang 8-man Advisory Council ay pinamumunuan ni Hon. Ambassador Antonio L. Cabangon-Chua ng ALG Group of Companies, kasama sina Hon. Judge Jaime Santiago, Vice Chairman, Francis Naguit, Secretary, kasama sina Manila City Prosecutor Edward Togonon, Monsignor Clemente Ignacio ng Quiapo Parish, Representatives Amado Bagatsing, Trisha Bonoan-David at Carlo Lopez, mga miyembro.
Ang District Advisory Council for Police Transformation and Development ay pinanumpa sa kanilang tungkulin ni MPD Officer-in-Charge Supt. Rolando Nana, kahapon, sa Rizal Hall ng MPD headquarters.
Ayon kay Supt. Claire Cudal, tagapagsalita ng MPD, tututukan ng ADVISORY Council na alamin kung nasusunod ng MPD ang Philippine National Police Patrol 2030 with Code P na inisyatibo ni PNP chief, Dir. Gen. Alan Purisima.
Ang CODE P ay kumakatawan sa Competence, Organizational Development, Discipline, Excellence and Professionalism.
Layon nito na mapagtagumpayan ng PNP mission na ipatupad ang batas, maiwasan at mapigil ang kriminalidad, mapanatili ang kapayapaan at kaayusan at matiyak ang kaligtasan ng publiko at panloob na seguridad na may aktibong suporta ng mga komunidad.
Ani Supt. Cudal, ngayong February 18, iprepresenta ng Manila Police sa Camp Crame ang certification hinggil sa pagtugon ng MPD sa Patrol 2013 with Code P.
(leonard basilio)