UMABOT sa P3-milyong halaga ng ari-arian ang napinsala sa sunog na naganap sa ikalawang palapag na gusali sa Ermita, Maynila, kahapon ng umaga
Ayon kay Narcisco Tuason, administrator ng nasunog na gusali, sumiklab ang apoy sa opisina ng Bob Cat Philippines, ikalawang palapag ng JMBM Building.
Aniya, nakita nilang may lumabas na usok sa kisame kaya kaagad nila itong pinuntahan subalit hindi nila mabuksan ang pinto.
Mabilis na kumalat ang apoy at makapal na usok dahilan upang madamay ang mga katabing establisyemento sa ikalawang palapag ng JMBM Building.
Nadamay rin ang sangay ng UnionBank na nasa ibaba ng opisinang pinagmulan ng apoy at 20 pang establisyemento kabilang ang isang money changer, remittance center at travel agency.
Dakong 9:40 ng umaga nagsimula ang sunog na umabot sa ikalimang alarma at nakontrol dakong 12:00 ng tanghali.
(leonard basilio)