BAGAMA’T nabigo ang Pinoy na si Michael Christian Martinez sa kanyang pagtatangkang manalo ng medalya sa men’s figure skating sa 2014 Sochi Winter Olympics, Sochi, Russia, nagbubunyi pa rin ang sambayanang Pilipino dahil sa ipinakitang galing ng nag-iisang entry ng Pinas sa quadrennial meet.
Tumapos lang si Martinez sa ika-19 na puwesto habang nakuha ng Hapon na si Yuzuru Hanyu ang ginto.
Si Hanyu ang unang Asyanong nakakuha ng ginto sa men’s figure skating sa kasaysayan ng Winter OIympics.
Nakuha ng taga-Canada na si Patrick Chan ang pilak na medalya habang napunta kay Denis Ten ng Kazakhstan ang tanso.
Ngunit kahit hindi nagtagumpay na manalo ng medalya si Martinez, nagpasalamat pa rin siya sa mga kababayang sumuporta sa kanya sa pamamagitan ng social media.
“Sobrang saya. Sobrang nakatataba ng puso,” wika ng 17-taong gulang na si Martinez sa panayam ng TV5. “Thankful na continued pa rin ang prayers nila at support sa akin.”
Inamin din ni Martinez na inatake siya ng nerbiyos.
Samantala, inanunsiyo ng negosyanteng si Manny V. Pangilinan na magbibigay siya ng $10,000 bilang bonus kay Martinez dahil sa kanyang ipinakita sa Sochi .
Ang bonus ay ibibigay sa pamilya ni Martinez sa pamamagitan ng MVP Sports Foundation, ayon sa executive director nitong si Vincent “Chot” Reyes.
Naunang nag-mortgage ng ina ni Martinez ang kanilang bahay para lang magkaroon ng pondo upang makabiyahe sila sa Sochi at binatikos din ng pamilya ang kulang ng suporta mula sa Philippine Sports Commission at ang Philippine Olympic Committee na itinanggi naman ng tserman ng PSC na si Richie Garcia.
(James Ty III)