MAHIGPIT na nagbabala sa publiko ang Bureau Of Customs NAIA sa mga modus operandi ng ilang grupo na nambibiktima ng mga kababayan natin na may mga kamag-anak o pamilya sa ibang bansa.
Ayon kay Customs-NAIA assistant Chief for cargo Rosalinda Mamadra, ‘wag basta maniniwala kung may matanggap kayong sulat o e-mail na may nagpadala sa inyo ng bagahe na nasa customs at bago makuha ang naturang padala ay kailangan ninyong bayaran muna ang tax o buwis sa isang private payment services katulad ng western Union o LBC.
Kapag ganitong klase ng mensahe ang natanggap n’yo ay mag-duda na agad kayo na isa itong panloloko.
Inilinaw ni Customs Supervisor Mamadra na kapag kayo ay may may bagahe o parcel na taxable at nasa Customs ito ay binabayaran sa mismong Customs cashier.
Dapat din makita muna ang item o bagahe na sinasabing ipinadala sa inyo bago kayo magbayad ng tax.
Nanawagan ang Customs NAIA sa publiko sa ganitong raket dahil sa dami na ng mga nabiktima at nagrereklamo sa kanila matapos mapaniwala na nagpadala ng pera sa Western Union bilang kabayaran sa tax sa bagaheng ipinadala kuno sa inyo.
Isa sa mga huling nabiktima ng sindikatong ito ay si Jayne Pedronio ng Pampanga, na nakatanggap ng isang email mula sa isang kamag-anak niya na nagtratrabaho sa United Kingdom bilang seaman. Posibleng na-hack ang email address ng kanyang pinsan at ginamit ito para sabihin na may ipinadala raw siyang regalo o bagahe para sa kanya.
Nakalagay rin sa email ang litrato ng mga laptop, camera, cellphone, assorted foodstuff na ipinadala ‘kuno’ sa kanya at after 2 days ay matatanggap na mula sa Customs.
Isa naman Indian accent ang tumawag sa kanyang cellphone at sinabing sila umano ang broker sa ipinadala sa cargo ng kamag-anak at na-hold umano sa Customs ang bagahe kaya kailangan bayaran ng mahigit P12,000 tax bago mai-release ang nasabing padala.
Mahigpit din ang tagubilin ng kausap na “NO NEED TO GO IN AIRPORT.”
Kapag nabayaran na ang nasabing amount sa loob ng 24 oras ay ipadadala na lang umano sa bahay mo.
Pero naniguro muna si Ms. Janye at nagduda kaya lumuwas siya ng Maynila patungong airport upang alamin at i-verify kung totoo nga ang nasabing padala ng kanyang pinsan.
Doon ay natuklasan n’ya na walang katotohanan na may pakete o bagahe na ipinadala sa kanya ang kanyang pinsan sa UK.
Kaya naman muling nananawagan ang Customs-NAIA sa publiko, na makipag-ugnayan muna sa kanila kung may nagsasabing may ipinadalang bagahe sa inyo o ‘yun mga nag-aalok at nagbebenta ng murang cellphone at laptop sa airport.
Doble ingat lang po sa panahong ito!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com