PINANA ng De La Salle Lady Archers ang thrice-to-beat incentive matapos tuhugin ang National University Lady Bulldogs sa nagaganap na 76th UAAP women’s volleyball tournament sa Smart Araneta Coliseum Sabado ng hapon.
Bumangis ang Lady Archers nang masugatan sila sa first set kaya tinuhog nila ang tatlong sunod na sets, 15-25, 26-24, 25-21, 25-20, upang dumiretso na agad sa Finals.
Hindi na dadaan sa semifinals ang La Salle dahil tinarak nila ang 14-0 sa eliminations round kaya nakuha ang nasabing insentibo at hihintayin na lang nila ang mananalo sa Ateneo Lady Eagles, Far Eastern University Lady Tamaraws at Lady Bulldogs.
Sa panalo ng Lady Archers, nanguna si Abi Marano na kumana ng 11 kills, dalawang blocks at isang service tungo sa 14 puntos bukod ang anim na digs.
Tumikada si Ara galang ng 15 puntos habang 11 ang kay Mika Reyes para tulungan ang La Salle na harangan ang malalakas na palo ng magkapatid na Dindin at Jaja Santiago ng NU.
Nakapaglista ng 10 blocks sa laro ang La Salle, pito rito ay kinana sa second set para sa 2-1 bentahe sa kanilang best-of-five games.
May 14 at 13 puntos naman sina Dindin at Jaja at nagsanib ng 23 kills subalit hindi sumapat para dungisan ang Taft-based La Salle.
Matapos ang panalo ng NU sa set 1 ay tumamlay ang kanilang laro sa sumunod na set.
Tumapos ng 12-2 win-loss card ang NU at malaki ang tsansa nila ang lumaro sa Finals dahil hawak nila ang twice-to-beat advantage sa step-ladder match. (ARABELA PRINCESS DAWA)