PINADAPA ng Ateneo de Manila ang Adamson University, 25-20, 23-25, 25-16, 25-15, nung isang araw upang patatagin ang paghawak nito sa ikalawang puwesto tungo sa Final Four ng UAAP Season 76 men’s volleyball sa Smart Araneta Coliseum.
Nagtala ng 20 puntos ang baguhang si Ysrael Marasigan samantalang nagdagdag ng 18 puntos ang isa pang rookie na si Mark Espejo para pangunahan ang Blue Eagles na tumapos ang kanilang kampanya sa eliminations na may 11 panalo at tatlong talo.
Nangunguna ngayon ang defending champion National University na may 11-2 na karta.
Bumagsak ang Falcons sa 7-7 at halos laglag na sila sa Final Four dahil llamado ang De La Salle University (7-6) sa laro nito kontra sa wala pang panalong University of the East (0-13) mamayang alas-8:30 ng umaga sa The Arena sa San Juan.
Papasok ang Archers sa Final Four kung mananalo sila kontra Warriors ngunit kung mananalo ang UE ay magkakaroon ng playoff ang Adamson at La Salle para sa huling puwesto sa semis.
Sa no-bearing na unang laro, pinataob ng University of Santo Tomas ang University of the Philippines, 25-23, 25-19, 25-17.
Parehong laglag na sa Final Four ang dalawang pamantasan.
Sa women’s volleyball naman, kailangang manalo ang Far Eastern University kontra Ateneo mamayang alas-4 ng hapon sa San Juan Arena para manatiling buhay ang pag-asa ng Lady Tamaraws na makahirit ng playoff para sa huling puwesto sa Final Four.
Pasok na sa Final Four ang Lady Eagles sa pangunguna ni Alyssa Valdez na may 9-4 panalo-talo, kasama ang La Salle at National University.
Magbabakbakan ang UE at UP sa no-bearing na laro sa alas-2.
(James Ty III)