TIWALA ang bagong pamunuan ng Port of Cebu sa ilalim ni retired military general Roberto T. Almadin na muling malalampasan ang assigned collection target ngayong “buwan ng mga puso” na mahigit sa P941-milyon. Sa kanilang huling report nitong Pebrero 10, PUMALO ng P297,711,177 sa harap ng itinokang P941,989,000 ngayong buwan ng Pebrero na INVENTORY MONTH pa rin ng maraming kompanya.
Ayon kay Ginoong Radi Abarintos, hepe ng Cash Division at itinalaga ni Gen. Almadin na pansamantang hepe rin ng Assessment Division habang wala pang bagong CPO (Customs Personnel Order), masyadong maaga para masabi kung muli bang “mission accomplished” gaya ng nakaraang buwan, bagamat malaki ang posibilidad. Nakakuha ang January 2014 collection ng kabuuang P1,051,361,169.25 sa harap ng nakatokang target na P997,705,000. IBIG SABIHIN ay merong P53,678,169.25 na surplus sa iniatang na collection target ng nakaraang buwan sa kabila ng panlupaypay ng maraming “players” dahil daw sa maraming tsetseburetse at MALAKING GASTOS sa mga demurahe o “storage fees” ng mga kargamentong naantala ang paglabas. Sa pananaw ng maraming customs insiders ay lubhang nagpaparalisa sa operasyon ng Aduana at nakasisira sa “trade facilitation” ang kakulangan ng examiners at appraisers samantala may mga kawani na nadedesmaya dahil “floating” sila o walang mesa at silyang magagamit.
Samantala, binabati naman natin ang gagawing Installation ng Emilio Aguinaldo Memorial Lodge #31 bukas, Sabado, sa Scottish Rite Temple. Ang mga bagong “ilaw” ng EAML #31 ay sina Worshipful Master Nathan Lim, Senior Warden Tony Del Rosario, at Junior Warden Edbert Lim.
Patnubayan nawa kayo ng ating Dakilang Arkitekto ng Kalawakan!
Junex Doronio