Friday , November 15 2024

Kickbacks sa negosyo na pinasok ng liderato sa SSS dapat busisiin

NAGITLA raw ang kolumnistang si Conrado de Quiros nang mapanood sa telebisyon ang pagdinig sa Senado na inihayag ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na ikinalulugod niyang paslangin ang rice smuggler na si Davidson Bangayan a.k.a. David Tan kapag naaktohan niyang nagdidiskarga ng smuggled rice sa Davao City.

Ang kasunod na sinabi ni Duterte ay papatayin niya si David Tan kapag lumaban.

Ayon kay De Kurap, este, De Quiros, nadesmaya raw siya na hindi man lang sinaway o kinondena ng mga senador si Duterte nang isapubliko ang pagbabanta sa harap nila at sa loob pa ng bulwagan ng Senado.

Asus! Napaka-ipokrito naman ng kolumnistang ito na todo-tanggol sa kapatid niyang si Social Security System (SSS) President at Philhealth Board member na si Emilio de Quiros sa pagtanggap ng halos  P3 milyong bonus.

Hindi ba nanliit si Conrado na ang milyon-milyong ordinaryong miyembro ng SSS at PhilHealth ay kailangan magbayad ng mas mataas na kontribusyon habang ang kanyang kapatid ay isinososyo sa mga dambuhalang kapitalista ang P350-B investment reserve fund ng SSS para pagkakitaan?

Hindi ba nakaramdam ng kilabot si Conrado na sa halip ilaan sa dagdag na benepisyo ng mga SSS member ay mas pinili pa ng kanyang utol na isosyo ang bilyon-bilyong pondo ng SSS sa mga kompanyang pagmamay-ari ni Manuel Pangilinan na Philex Mining Corp. (20.58 percent), Philippine Long Distance Telephone Co., First Holdings Corp., Manila Electric Co. at sa Union Bank?

Parokyano ng mga negosyo ni Pangilinan ang mga ordinaryong miyembro ng SSS, sa kanila rin pala galing ang puhunan, pero ang ganansiya ay ang liderato ng SSS ang nakikinabang.

Bakit tahimik si Conrado, na sa panahon ng kanyang utol sa SSS ay isinusugal ang P105 bilyon pondo sa stock market samantala malaki ang tsansa na malugi ito?

Hindi ba’t isa sa mga dahilan kaya na-convict sa kasong pandarambong si ousted president Joseph “Erap” Estrada ay dahil sa pagtanggap niya ng P189.7 milyon commission o kickback nang ipag-utos na gamitin ang P1.8 bilyong pondo ng SSS at GSIS para ipambili ng shares of stock sa Belle Corp., na pagmamay-ari nila ng crony na si Dante Tan?

Nalugi ang transaksiyong ito, nalusaw ang P1.8 bilyon pondo ng SSS at GSIS, pero si Erap ay kumita.

Ito rin ang magiging kapalaran ng SSS sa ilalim ni Emilio de Quiros na ikinukubli ng “hard-hitting columnist” niyang kapatid na tagapagtanggol daw ng karapatang pantao.

Para kay De Quiros at mga tulad niyang ipokrito na bumabanat kay Duterte, pagbutihin na lang n’yo ang pagpapabango sa desperadong presidential aspirant na alaga n’yo para hindi mahalata na INSECURE kayo masyado.

PERFECT STATE WITNESS

SI RUBY TUASON

MISMONG si Senate Blue Ribbon Committee chairman Sen. TG Guingona ay kombinsido na ang testimonya ng socialite na si Ruby Tuason ay napakahalaga dahil ito ang nagpatunay na may isang nilalang na personal na nagbigay ng kickback sa isang senador sa P10-B pork barrel scam.

Bago kasi lumutang si Tuason, panay chief of staff lang ng mga mambabatas ang napapaulat na tumanggap ng kickback para sa kanilang amo.

Sabi nga ni Guingona, “I think the testimony of Ms. Tuason is a three-point shot buzzer-beater.”

Itunuturing naman ni Sen. Miriam Defensor- Santiago na “perfect state witness” si Tuason.

Ani Santiago bilang eyewitness, naibigay ni Tuason ang “direct evidence” laban kina Sen. Jinggoy Estrada at chief of staff ni Sen. Juan Ponce -Enrile na si Atty. Gigi Reyes.

Balewala, aniya, ang denial nina Estrada at Enrile hinggil sa mga pahayag ni Tuason dahil may nauna nang nadesisyonang kaso ang Korte Suprema na nagsasabing mas dapat paniwalaan ang pahayag ng isang testigo na naganap ang insidente kaysa pagtanggi ng akusado, “positive assertion has more weight in law than a denial. Denial is a blatant impotence.”

Aba’y mahirap naman talagang hindi paniwalaan si Tuason, kahit anim na taon na ang nakalipas ay namukhaan pa niya ang dalawang lalaki na sumusundo sa kanya sa secret entrance sa Senado para maghatid ng milyon-milyong kickback ni Jinggoy, na lumalabas na close-in security ng senador na sina Alfredo delos Reyes at Danny.

Sabi nga ni Pangulong Benigno Aquino III, walang sasantuhin ang isyung ito dahill ang paglilitis ay ibabatay sa mga ebidensiya.

Kaya naman nahalata natin ang panggigigil ni Estrada na buweltahan si Tuason ay idinadaan na lang sa publisidad o  mga “de-kahong” istorya ng mga bayaran niyang media.

Sayang lang ang milyones na pinapakawalan niya para sa ‘damage control,’ nakalimutan yata ni Jinggoy na anak siya ng convicted plunderer kaya matagal nang kombinsido ang taong bayan na mandarambong siya, ‘ika nga, “nasa dugo lang yan.”

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

Percy Lapid

About hataw tabloid

Check Also

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Dominic Pangilinan Paul Singh Cudail Ako Si Juan

Direk Paul Singh Cudail, balik pelikula via ‘Ako Si Juan’

ALAM MO NA!ni Nonie Nicasio NAGSIMULANG maging direktor ng pelikula Paul Singh Cudail noong 2011. …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *