MARAMI ang bumilib sa tikas at leadership ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Bukod kasi sa angkin niyang talino bilang abogado ay kaya niyang ipatupad ang batas sa kanyang nasasakupan kahit sino pa ang masasagasaan.
Sa nangyayari ngayon sa bansa na kaliwa’t kanan ang kurakutan at krimen ay mukhang isang Duterte ang kailangan ngayon ng estado.
Isang lider na may bayag para sa mga abusado pero may puso naman sa maliliit na tao.
Ito ang katangian na hinahanap ngayon ng Pinoy dahil sawang-sawa at dalang-dala na ang tao sa mga lider na puro lamang ngawa at kulang sa gawa.
Political will ang alas ni Duterte kaya niya nakukuha ang simpatiya ng publiko kaya’t kahit paano ang lumabas sa kanyang bibig na maaanghang na salita ay hindi ikinagagalit ng tao.
Kagustuhang patinuin at iangat ang bansa ang katangian ng isang Duterte kaya’t dapat nang hikayatin ang mamang taga-Davao na laging nakasuot lamang ng maong na pumalaot na sa presidency sa 2016.
Baon na ang Pilipinas sa utang at kaliwa’t kanan ang kriminalidad kaya’t marapat lamang na mabago na ang kinukuha nating lider dahil ang panahon ngayon ay nangangailangan ng isang pinuno na may kamay na bakal.
***
Kawawa ang mamamayan ng Quezon City sa kasalukuyang liderato ng siyudad.
Kaliwa’t kanan kasi ang ipinapataw na bagong buwis ng lungsod sa tao na talaga namang subsob na sa pagbabayad ng sangkatutak na tax maging ito man ay sa gobyernong nasyonal at lokal.
Garbage, real property at business tax ang ipinataw at itinaas ng QC government kaya’t umaalma na ang mga nasasakupan ni Bistek.
Hindi ko alam kung wise move ito sa part ni Herbert pero isa lang ang sigurado, at dito tiyak na gaganti ang tao.
Alvin Feliciano