IKINOKONSIDERA ng marami na grave abuse of discretion ang paglilipat sa mga kawani ng Bureau of Customs (BoC) sa Customs Policy Research Office (CPRO) ng Department of Finance (DoF). Kaya naman sarkastiko nang tinagurian ng maraming eksperto sa pulitika ang nasabing opisina bilang Customs Penitentiary and Rehabilitation Office.
Sa kanyang huling privilege speech, kinuwestiyon ni OFW Family Party-list Rep. Roy “Amba” Seneres ang pagpapatuloy ng iniutos na “exodus” ni Finance Secretary Cesar Purisima sa mga kawani ng Customs patungo sa nasabing “freezer” ng DoF.
Binigyang-diin ni Amba, na dating ambassador sa United Arab Emirates at kilala sa Labor circles bilang tagapagtanggol ng mga karapatan ng manggagawa, ang kahalagahang maproteksiyonan ang security of tenure ng mga empleyado ng BoC at sinabing ang walang kaabog-abog na paglilipat sa kanila ay malinaw na paglabag sa kanilang karapatan sa harap ng pagsisikap ng gobyerno na ma-reorganize at mareporma ang kawanihan.
Sa bisa ng batas, ang mga empleyado ng BoC ay mga lingkod-bayan at may karapatan sa security of tenure. Hindi sila maaaring basta tanggalin maliban na lang kung may balidong dahilan at pagkatapos nilang sumailalim sa due process. Ang mga karapatang ito ay alinsunod sa Republic Act 6656 o An Act To Protect The Security of Tenure of Civil Service Officers and Employees In The Implementation Of Government Reorganization.
Bagamat ang isyu ay hindi tungkol sa kapangyarihang magsisante o maglipat, sinesegundahan ng Firing Line ang pangamba ni Amba Seneres tungkol sa posibilidad ng abuse of discretion sa pagpapatupad ng nasabing tungkulin.
Alam naman natin na ang ilang paglilipat ay epektibo, kung hindi man pormal, na nangangahulugan ng demotion. Bukod dito, malaki rin ang epekto nito sa publiko. Malinaw namang hindi masusing naikonsidera ang kapakanan ng publiko sa ginagawang paglilipat sa mga kawani. Marami ang nagrereklamo sa pagbaba ng kalidad ng serbisyo sa BoC na maaaring dahil hindi pinalitan ang mga inilipat na empleyado o kaya naman ay hinalinhan ng mga baguhan na siyempre pa ay hindi naman kwalipikado.
Walang problema sa reorganization, pero hindi tamang magdusa ang publiko sa ngalan ng serbisyo. Hindi gaya ng sa pagpapatupad ng mga pangunahing infrastructure project, ang public inconvenience dahil lang sa reorganization ay maaari at dapat na maiwasan sa pamamagitan ng mahusay na management.
Sa likod ng ibinabanderang reporma, marami ang nakakikita sa natatagong motibo sa likod ng nasabing mga paglilipat.
***
May punto si dating BoC Chief Ruffy Biazon. Mainam na pangalanan ang mga sinasabing smugglers. “Mas mabuti kung makakakalap ng sapat na ebidensiya laban sa kanila bago pangalanan upang matiyak na mapapanagot.”
“Dahil kung hindi, magla-lie low at papalitan lang sila ng iba. Mahalaga rin na hindi lang mga personalidad ang tutukan kundi maging ang customs processes at procedures.”
Siguro ay hindi tamang tutukan lang sa mga imbestigasyon ng parehong kapulungan ng Kongreso ang pagkakakilanlan ni Davidson Bangayan at ng umano’y mga rice-smuggling activity nito. Dapat din silang magsagawa ng mga inquiry kung paano makatuwirang ipinatutupad ng Executive Department ang reporma sa BoC, kabilang ang pagkuwestiyon sa regularity ng mga paglilipat na ito.
Totoo ngang nagpapalit-palit ang mga opisyal ng Customs ngunit nananatiling talamak ang katiwalian. Bukod sa pagsisimula ng pagpapatupad sa paperless transactions sa paggamit sa website nito, dapat na isulong ng BoC ang iba pang mga reporma sa kawanihan nang hindi nalalabag ang batas at ang mga karapatan ng mga empleyado nito.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.