ANG basketball ay parang drama rin.
Iyan ang nasabi ni Senator Robert Jaworski, Sr. ilang minuto bago nagsimula ang Game Six sa pagitan ng Barangay Ginebra San Miguel at San Mig Coffee noong Lunes.
Dumating si Jaworski at pumasok muna sa press room upang bisitahin ang mga sportswriters. Nakiumpok muna siya sa mga ito habang hinihintay na mag-umpisa ang laro.
Iba’t ibang paksa ang kanyang tinalakay buhat sa paglalaro niya sa Olympics at iba pang international competitions, sa tsansa ng Gilas Pilipinas sa darating na World championships sa Spain at siyempre sa tsansa ng kanyang dating koponan na muling makabalik sa Finals.
“May kuwento ang lahat ng nangyayari sa court. Lahat iyan ay nagkakaugnay. At lahat iyan ay dapat na nagtutugma kungdi’y walang mangyayari. Paano kung ang power forward mo ay power failure? Kung ang point guard mo ay point lang ng point? Hindi puwede iyon,” ani Jaworski.
“Kailangan, lahat ay alam kung ano ang papel na gagampanan nila sa kanilang koponan. Kapag may naligaw na papel, magulo ang istorya,” dagdag niya.
Paminsan-minsan na lang nanonood ng mga laro sa PBA si Jaworski. Pero tuwing papanoorin niya ang Barangay Ginebra, aba’y kahit paano ay may magic pa rin siyang naibibigay sa kanyang dating team.
“Mananalo kaya ang Ginebra mamaya,” tanong ng isang pilyong sportswriter. “Pag natalo, bale wala ang punta ni Jaworski dito. Wala nang magic!”
Well, sinagot naman ang tanong na iyon e.
Nanalo ang Gin Kings!
Napuwersa nila ang Mixers sa Game Seven.
Heto ang siste. Nagpasabi si Jaworski kay PBA media bureau chief na manonood din siya sa Game Seven at kailangan niya ng apat na tickets.
Kung tototohanin ni Jaworski ang kanyang panonood mamaya, mananalo ba ulit ang Gin Kings?
Magtutuloy-tuloy ba ang magic?
Sabrina Pascua