ni Danny Vibas
MUKHANG matindi na ang commitment ni G Toengi sa teatro.
Alam n’yo bang pumayag ang balikbayang aktres na gumanap sa role na katulong sa stage play na Full Gallop na pagbibidahan ni Cherie Gil sa darating na Marso?
To top it all, bukod sa katulong siya, ni hindi siya makikita sa entablado. Sa backstage lang siya at boses lang n’ya ang maririnig!
Walang dudang pinahahalagahan ni G ang offstage role bilang house maid dahil dumalo pa siya sa press conference kamalailan para sa Full Gallop na idinaos sa sosyal na Salon de Ning ng Manila Pen sa Makati, at humarap sa press, katabi ng kaibigan n’yang si Cherie Gil.
Actually, sosyal na maid si G sa bale one-character play na ‘yon tungkol sa isang araw sa buhay ng fashion empres na si Diana Vreeland. Sosyal dahil French-speaking ang maid. Kasi nga, French si Ms. Vreeland pero sa Amerika siya sumikat bilang sosyal na daldakina na ibang klase kung mag-present ng mamahaling damit at haute couture (kaya naman naging gay icon siya, o idolo ng mga bading!)
Ang isa pang aktres na ang tindi ng commitment sa teatro ay si Angeli Bayani. Kahit maituturing na rin siyang major indie film actress dahil last year ay dalawang pelikula n’ya ang naging entry sa Cannes International Film Festival (bida siya sa isa sa mga ‘yon), pumayag siyang gumanap ding maid in a supporting role sa stage play na August: Osage County, na pangunahing bituin sina Baby Barredo at Pinky Amador.
Produksiyon ng Repertory Philippines ang Osage County at ipinamamalita ni Angeli mismo na dream-come-true para sa kanya ang pagkaka-cast n’ya sa papel na house maid ng isang pamilyang naparaming eskandalo sa buhay. Kasi nga, noong high school pa lang siya ay nag-audition siya roon para sa isang musical play. Hindi siya natanggap at ni hindi nga ipinatapos sa kanya ang pagkanta n’ya.
Sa Pebrero 21 na magsisimulang ipalabas ang Osage County sa Onstage Theater sa Greenbelt 1 sa Makati. Nasa cast din nito sina Leo Rialp, Sheila Francisco, Liesl Batucan. Tami Monsod, at Noel Rayos.