INATASAN ni Pangulong Benigno Aquino III ang kinauukulang mga ahensya ng gobyerno na paigtingin pa ang trabaho para matiyak ang “roadworthiness” ng lahat ng public utility vehicles (PUVs) upang maiwasan maulit pa ang mga aksidente sa daan.
Ayon kay Presidential Communications Sec. Herminio Coloma Jr., patuloy na tinututukan ng gobyerno ang pagiging ligtas ng mga pampublikong sasakyan, lalo na ang mga bus at public utility vehicles.
Maalalang noong nakaraang linggo, 14 ang namatay kabilang ang komedyanteng si Arvin “Tado” Jimenez, nang mahulog sa bangin ang isang bus sa Bontoc, Mt. Province.
Nitong Sabado, lima ang namatay sa aksidenteng kinasangkutan ng isang pampasaherong jeep sa Baay-Licuan, Abra.
“Alinsunod sa nauna nang derektiba ni President Aquino kay Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary (Joseph) Abaya isinasawaga ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pamumuno ni Chairman Winston Ginez ang patuloy at puspusang pag-inspeksyon sa pampublikong sasakyan,” ayon sa kalihim.
Sinabi rin ni Coloma na “main focus” ng gobyerno ang matiyak ang ligtas na paglalakbay ng publiko, lalo na’t papalapit na ang summer vacation at Holy Week.