NANINDIGAN si Justice Secretary Leila de Lima na may kredibilidad ang mga testigo sa Priority Development Assistance (PDAF) at Malampaya fund scams partikular na ang state witness na si Ruby Tuason, ang aide ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada.
Sinabi ni De Lima, ang paglantad ni Tuason bilang isa sa pangunahing testigo ay upang ibunyag ang mga nalalaman lalo na ang transaksyon at pagkuha ng kickbacks mula sa pork barrel funds nina Sen. Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile gamit ang NGO ni Janet Lim-Napoles.
Nauna rito, kinuwestyon ni Estrada ang naging testimonya ni Tuason sa kanyang affidavit na ginawang basehan ng kanyang pakikipagtulungan sa imbestigasyon.
“It’s more than just a corroborative testimony. This is direct evidence,” ani De Lima.
Una nang nilinaw ng kalihim na ang “vital information” sa naturang anomalya ang isa sa naging basehan ng NBI lalo na ang “slam dunk evidence” na nagpatibay sa kasong plunder laban sa ilang mga mambabatas na dawit sa P10 billion PDAF scam at P900 million sa Malampaya fund scam.
TUASON NAGSUMITE NG DAGDAG-SALAYSAY SA PORK BARREL SCAM
MULING humarap sa National Bureau of Investigation (NBI) si Ruby Tuason, ang aide ni dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada, para sa kanyang dagdag na salaysay kaugnay sa kontrobersyal na pork barrel scam.
Kasama ni Tuason na dumating kahapon sa NBI-Special Task Force ay ang ilang tauhan ng witness protection program (WPP) ng DOJ.
Kasama rin sa NBI headquarters para sa pagbibigay ng dagdag na testimonya ni Tuason, ang kanyang abogado na si Atty. Dennis Manalo at si Atty. Levito Baligod ang abogado naman ni Benhur Luy at ng iba pang whistleblowers sa pork barrel at Malampaya fund scam.