SA kandungan ng magkasintahang pasahero sa tabi ng driver’s seat binaril at napatay ng hindi nakilalang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo, ang isang 45-anyos lalaki, sa Sta. Cruz, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Supt. Frumencio Bernal, station commander ng MPD Station 7 headquarters, kinilala ang biktimang si Dexter Dacanay, ng 1301 Interior F. Rose St., T. Bugallon Tondo, at ang sugatang si Adonis Pueblos, 25, ng 205 E. Rodriguez Sr., Damayang Lagi, Quezon City.
Sa salaysay ni Pueblos, kasama ang kanyang girlfriend lulan sila ng pampasaherong jeep na biyaheng Recto at Gasak, pero pagdating sa kanto ng Cavite at T. Mapua Sts., biglang tumalon sa kanilang kinauupuan sa harapan ng driver ang biktima na hinahabol ng isang lalaking nakasuot ng helmet na sinusundan ng isa pang nakamotorsiklo.
Nang nakaupo na sa kanilang harapan ang biktima ay agad pinagbabaril ng suspek. Tinamaan ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan na namatay noon din habang si Pueblos ay tinamaan sa kanang braso.
Agad tumakas ang mga suspek sa hindi natukoy na direksyon dala ang hindi nabatid na kalibre ng baril na ginamit sa krimen.
Isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktima pero binawian din ng buhay.
ni leonard basilio