Arestado sa Caloocan ang pitong lalaking pinaniniwalaang sangkot sa pag-chop-chop at pagbebenta ng mga nakaw na pampasaherong jeep, mula sa iba’t ibang lugar sa Laguna.
Batay sa impormasyong nakalap ng pulisya, sangkot din sa operasyon ng grupo ang isang barangay kagawad.
Mula Caloocan, umabot ang follow-up operation sa Dagupan Street at Daang Bakal, Tondo, Maynila, at tumambad sa mga pulis ang mga makina, chasis, manibela at iba pang piyesa ng mga jeep at iba pang hinihinalang nakaw na sasakyan.
Natunton din ng mga pulis ang isa pang kaparehong talyer sa Onyx Street, San Andres, matapos umamin sa pulisya si Russel Aguilar, naunang naaresto sa Caloocan.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang apat na lalaking tumatayong scrapper, middle man, bantay sa pwesto at tagapagtago ng mga chop-chop na piyesa sa talyer.
Ang modus ng grupo ang paghiram sa mga ibinebentang jeep, pagrenta o pwersahang pagtangay sa mga ito na dinadala sa Maynila at kinakatay bago ibenta.Sa datos ng pulisya, mula Disyembre 2013 hanggang Pebrero, 12 jeep na biyaheng Calamba, Cabuyao, Biñan at San Pedro, ang natangay ng grupo. (HNT)