NORTH COTABATO – Patuloy na sinusuri ng mga kawani ng Department of Health (DoH-12) ang pagkalason ng mga katutubong Manobo pagkatapos kumain ng kamoteng kahoy sa lungsod ng Kidapawan.
Kinilala ang mga namatay na magkapatid na sina Irene Diarog, 4, at Jessica Diarog, 3, habang patuloy na ginagamot sa ospital sina Renalyn Almadin, Ronalyn Almadin, Alvin Diarog, Arnel Diarog, Honey Diarog, at Sarah Diarog.
Ang iba naman ay nasa ligtas nang kalagayan kaya nakalabas na ng ospital.
Ang mga biktima ay pawang mga residente ng Sitio Ambag, Brgy. Sto Niño, Kidapawan City.
Sa ulat ng City Health Office at North Cotabato Integrated Provincial Health Office, nagluto ng kamoteng kahoy ang mga magulang ng mga biktima at sabay-sabay nilang kinain.
Makalipas ang isang oras, nakaranas na sila ng sobrang sakit ng tiyan, pagsusuka, LBM at pagkahilo.
Dinala ang mga biktima sa New Cebu Hospital sa President Roxas North Cotabato ngunit dalawa sa kanila ang binawian ng buhay.
Agad inatasan ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliòo Mendoza ang IPHO Cotabato na alamin ang totoong dahilan ng pagkalason ng mga biktima at suriin ang kinain nilang kamoteng kahoy. (BETH JULIAN)