NAKAKA-MISS talaga ang panahon na maraming ‘HONESTO’ sa ating lahi.
Mabuti na lamang at madalas tayong nakatatagpo ng mga katulad ni ‘HONESTO’ sa mga empleyado ng iba’t ibang ahensiya at kompanya na nakabase d’yan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang pinakahuli nga ay si cart retriever Jony Villon na hindi nag-imbot o nagdalawang-isip para isoli ang $4,800 o mahigit P210,000 sa tunay na may-ari nito.
Totoong mahigpit ang pangangailangan ni Villon pero buong-buo ang kanyang desisyon na isuko sa mga awtoridad ang nasabing salapi.
Natagpuan ni Villon ang isang blue transparent envelope sa baggage cart na naiwan ng isang overseas Filipino worker (OFW).
Ayon kay Villon, minsan din siyang naging OFW sa Israel kaya alam niya ang damdamin ng may-ari kung hindi na niya makikita ang salaping ilang panahon niyang pinaghirapan bunuin sa ibang bansa.
Hindi naman nagkamali ng desisyon si Villon dahil bumuhos ang biyaya sa kanya.
Hindi rin mailarawan ang kasiyahan ng OFW na si Cristina Alcaraz Rosal nang maibalik sa kanya ang nawawalang envelope.
Mabuhay ka JONY VILLON!
Sana ay makonsensiya sa iyo ang mga magnanakaw sa gobyerno at nawa’y tularan ka ng iba pang empleyado sa Airport.
Kay MIAA GM Bodet Honrado, salamat sa pagkilala mo sa mabuting gawain ng ating mga kababayan.
At sa iyo JONY, nawa’y patuloy na dumami ang lahi mo.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com