SINABON ng mga senador ang mga opisyal ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) kaugnay sa sinasabing kapabayaan kaya napag-iiwanan ang mga atleta ng Filipinas.
Sa pagdinig ng Senate committee on games and amusement, uminit ang ulo ni Committee Chairman Sen. Sonny Angara dahil hindi maipaliwanag ng POC kung bakit tinanggal sa delegasyon sa SEA Games noong nakaraang taon ang Dragon boat team.
Lalong nanggalaiti si Angara nang ikatwiran ni POC Executive Director Cynthia Carrion na hindi nila isinali ang Dragon boat team dahil inakala nilang hindi kayang talunin ng team mula sa Filipinas ang Myanmar.
Iginiit ni Angara, napatunayan na ang kakayahan ng Dragon boat team at katunayan ay ito ang defending champion matapos magwagi sa SEA Games noong 2011.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na nakaaway ni POC President Peping Cojuangco ang pinuno ng Dragon boat team kaya tinanggal ang grupo sa SEA Games.
Naniniwala si Sen. Antonio Trillanes IV na walang ibang dapat sisihin sa aniya’y “poor performance” ng mga atleta kundi si Cojuangco.
Ayon kay Trillanes, ibinubulsa ni Cojuangco ang pondong inilalaan sa POC at mayayamang atleta lang ang isinasali sa mga palaro.
(CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN)