MALABONG tanggalin ni Pangulong Noynoy Aquino itong si Agriculture Sec. Proceso Alcala gayundin ang kanyang tauhan si NFA boss Orlan Calayag dahil kabilang ito sa kanyang mga paborito at matalik na kaibigan sa kanyang inner circle.
Tiyak na mababaluktot na naman ang sinasabi ni PNoy na “daang matuwid” sa isyu ng pag-graduate ni Alcala at Calayag dahil malinaw naman sa mga nakalipas na pangyayari na “double standard” itong ating pangulo kapag naghuhusga at humuhusga ng tao sa kanyang gobyerno.
Kapag hindi ka gaanong “in” sa grupo ni PNoy at dati kang tauhan ni Ate Glo ay tiyak na huhusgahan ka agad ng negatibo at sabay gagawin ang lahat ng paraan para patalsikin ka sa pwesto, pero kapag malapit kang alipores ng tanging anak na lalaki ni Ninoy at Cory ay tiyak naman hindi ka magagalaw sa iyong pwesto kahit pa sangkatutak at lantaran na ang iyong ginawang mali sa bayan.
Malinaw sa “findings” ng Commission on Audit (COA) na may “overpricing” na naganap sa inangkat na bigas sa Vietnam at alam ito ng Malakanyang pero dahil nga kakampi ay kaagad itong pinagtanggol at sinalag ng Palasyo.
Buo pa rin daw ang tiwala nila kay Alcala at Calayag, na isang dual citizen, kahit pa malinaw na daang milyong piso ang pagpapasobra nito sa presyo ng bigas na inangkat sa Vietnam.
Alvin Feliciano