BAGAMA’T wala pang opisyal na reaksyon ang China, ikinagalit ng Chinese community ang pagkukumpara ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa nasabing bansa kay Adolf Hitler hinggil sa pambu-bully nito sa West Philippine Sea.
Inaantabayanan pa ngayon ang pahayag ng Chinese Foreign Ministry ngunit naglabas nang maanghang na komentaryo laban kay Pangulong Aquino ang Xinhua news agency na pag-aari ng Chinese government.
Sa nasabing pahayag, tinawag nitong amateur na politiko si Pangulong Aquino na ignorante sa kasaysayan at reyalidad.
Wala anilang basehan ang nasabing pagkukumpara kasabay ng paninindigang lehitimo ang claim ng China sa West Philippine Sea.
Una nang nilinaw ng Malacañang na hindi intensyon ni Pangulong Aquino na masaktan o magalit ang China kaugnay sa pag-ungkat sa Nazi Germany bilang paghahambing sa sitwasyon ngayon sa ginagawa ng China sa mga pinagtatalunang isla.
“Philippine President Benigno S. Aquino III, who has taken an inflammatory approach while dealing with maritime disputes with China, has never been a great candidate for a wise statesman in the region,” nakapaloob sa Chinese news agency commentary.
“But his latest reported attack against China, in which he senselessly compared his northern neighbor to the Nazi Germany, exposed his true colors as an amateurish politician who was ignorant both of history and reality.”
INSULTO NG CHINESE MEDIA KAY PNOY PINALAGAN NG PALASYO
PUMALAG ang Malacañang sa pambabatikos ng Chinese news agency kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III hinggil sa pagkukumpara ng punong ehekutibo kay Hitler sa China.
Tinawag na “bagito” at “ignorante” si Pangulong Aquino ng nasabing state media dahil sa nasabing pahayag.
Bwelta ni Communications Sec. Sonny Coloma, mahalagang matuto ang China sa aral ng kasaysayan at gawing gabay sa pagkilos.
Ayon kay Coloma, kailangang magkaisa ang mga bansang malaya sa pagtaguyod ng katuwiran.
Dapat aniyang umiral ang prinsipiyong ‘ right is might’ at hindi ‘might is right.’
“Mahalagang matuto mula sa aral ng kasaysayan at gawin itong gabay sa pagkilos. Ang aral para sa lahat ng mga bansang malaya ay ito: kailangan ang pagkakaisa sa pagtataguyod ng katuwiran.
“Dapat umiral ang prinsipyong ‘right is might’, hindi yung ‘might is right,” ani Coloma.
(ROSE NOVENARIO)