PATONG-PATONG na kaso ang isinampa laban sa 35-anyos lalaki na nagpanggap na pulis, makaraan masita sa checkpoint dahil sa pagmamaneho ng motorsiklong walang plaka at hindi pagsusuot ng helmet, sa Pasay City kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang suspek na si Zaldy Dionela ng Tupas St., sinampahan ng mga kasong usurpation of autho-rity, paglabag sa helmet law, pagmamaneho nang hindi nakarehistrong motorsiklo at paglabag sa ordinansa kaugnay sa pagdadala ng toy gun.
Sa report ni Pasay police chief Senior Supt. Florencio Ortilla, dakong 9:00 a.m., nagsasagawa ng checkpoint sa panulukan ng F.B. Harrison at P. Manahan streets sina Sr. Insp. Alexander Rodrigo, nang sitahin si Dionela at kaangkas niyang nagpakilalang si PO2 Christian Jado ng Camp Crame.
Nakuha kay Dionela ang replika ng .45 kalibre baril at ang kaangkas ay nagpakita ng ‘dokumento’ para magpakilalang pulis umano siya. (J. GARCIA)