GOOD news na maituturing ayon sa Malakanyang ang balitang umangat ang ekonomiya ng 7.2 percent noong 2013. Ito ay bagaman bumaba nang konti para sa ikaapat na quarter ng taon kung kailan dumating ang matitinding bagyo at iba pang kalamidad.
Oo nga, mga kanayon, tumaas ang ekonomiya. Pero ang laging tanong natin ay PARA KANINO? Kaninong ekonomiya ba ang tumaas at lumago? Itinanong ko ito kay Sec. Herminio Coloma noong isang linggo at ang sagot ng opisyal ay mararamdaman daw ang paglagong ito sa pagdami ng trabaho at mga magtatapos ng high school.
Okey. Nandoon na tayo. Pero ibig po bang sabihin ay hindi na magugutom si Juan at Juana? Na masisiguro na natin may sapat na pagkain sa hapag kainan para sa mahihirap? Inclusive growth ang bukambibig ng Palasyo. Ibig sabihin daw ay ang naturang paglaki ng ekonomiya ay dapat kasama ang lahat ng maliliit na Pinoy o mahihirap na pamilya. Ang tugon ng pamahalaan, palalakasin pa ang programang gaya ng Pantawid Pamilya Program at Conditional Cash Transfer ngayong taon. Target nila na maipasok sa mga programang ito ang 4.3 milyong mahihirap na pamilya sa bansa.
Sa huling tantiya kasi, 23 milyon ang mga indibidwal na mahihirap sa Pinas ang bumubuo sa CLASS E. Kung CLASS A ang mayayaman, itinuturing na sagad sa kahirapan ang mga nasa CLASS E. Dahil ang populasyon natin ay higit kumulang na nasa 100 milyon, 23 porsiyento nito ay nasa LOWEST CLASS.
Para raw MAIAHON sila sa ganitong sitwasyon at kahit paano ay maiangat sa CLASS D siguro. Papag-aralin ng pamahalaan hanggang high school ang mga pamilyang sakop nito. Ganoon din dadagdagan nga po ang mga beneficiary ng CCT. Ayon kay Sec. Coloma, batay kasi sa pag-aaral, mas malaki ang tsansang makapasok sa trabaho ang mga umabot o nakatuntong o nakatapos ng SEKONDARYANG edukasyon.
Kung elementary ka lang, para kang dadaan sa butas ng karayom para magkatrabaho.
Ito na kaya ang sagot sa maraming katanungan ukol sa ECONOMIC GROWTH? Maging epektibo kaya ang mga programa ng pamahalaan para sa mahihirap?
Sa totoo lang, itong 23 milyon nating kababayan ang makasasagot niyan. Kung walang magbabago sa takbo ng buhay nila. Aba! Malaking puwersa ng pagbabago ang 23 milyon katao.
Hindi po ba, Sec. Coloma?
Joel M. Sy Egco