NAKABABAHALA na naman ang panahon ngayon. Kaliwa’t kanan na naman ang mga karumadumal na krimen. Patayan dito, patayan doon bunga ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot at pagbebenta nito.
Higit na nakababahala ngayon ay tila nanumbalik ang mga krimen na may kinalaman sa panggagahasa at pagpaslang sa biktima.
Kamakailan, isang 6-anyos ang pinagtripan ng isang lalaking high sa droga. Kanyang ginahasa ang bata at saka pinatay. Ano uli ang sanhi nito? Droga. Umamin mismo ang naarestong suspek na bangag siya sa droga nang nagawa niya ang krimen.
Sa Laguna, isang dalagita ang ginahasa at saka pinaslang din. Sino ang mga itinurong mga salarin?
Tsk…tsk…tsk…mga malapit o kilala pa ng pamilya ng biktima.
Ano ang nakitang pinaniniwalaang dulot ng krimen? Droga na naman!
Hindi lamang ito ang mga krimen na sanhi ng malaganap na pagkalat uli ng droga sa bansa kundi marami pa.
Sa Quezon City nga rin nitong nakaraang linggo, isang babae na hinihinalang tulak ang itinumba ng pinaniniwalaang kasamahan din niyang nagtutulak ng droga. Nakita pa nga sa pitaka ng biktima ang ilang sachet ng shabu.
Ano pa man ang biktima, ang punto natin dito ay nakapakasama talaga ng epekto ng droga. Walang iginagalang ang mga gumagamit ng droga – shabu, cocaine, damo, etc. Kapag gumagamit nito ang isang tao, wala na sa kanila ang kama-kamag-anak, kaibigan o ano pa man.
Hindi naman masasabing pabaya ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) hinggil sa pakikipaglaban ng dalawang ahensya sa droga. Katunayan, malalaking huli pa nga ang kanilang mga nagawa nitong mga nagdaang linggo subalit, bakit kaya sa kabila ng lahat ay paborito pa rin bagsakan ng droga ang bansa?
Paano kasi, walang talim ang batas ng bansa o di kaya bungal ang batas natin para sa pagparusa sa mga nahuhulihan ng droga.
Oo ngang nandiyan iyong no bail ang mga nahuhulihan ng malaking halaga ng droga ngunit, kahit na nakakulong ay nagagawan pa rin nilang makipagtransaksyon. Nakapagdedeliber pa rin ng malalaking halaga ng ipinagbabawal na gamot. Bakit?
Paano kasi, nakukuha lang ang nakararami sa pera-pera. Walang pakialam si warden, si hepe, si mayor, si congressman, si kung sino-sino sa pagpapakalat ng droga basta’t ang mahalaga sa kanila ay kumita ng malaking halaga sa drug dealer o sindikato ng droga.
Iyan ang ilan lamang sa masasabing dahilan ng paglobo ng pagbebenta ng droga sa bansa, maging gawing bagsakan ng droga ang bansa o gawaan pa ng droga.
Pero higit na nakikita ng marami kaya ganoon na lamang ang problema sa droga sa bansa ay dahil sa klase ng batas mayroon tayo na magpaparusa sa mga naaaresto. Masyadong mababaw ang kaparusahan nila – life in imprisonment lang na baka maibaba pa ang kaparusahan kapag magaling ‘manligaw’ ang kapit. Oo, may posibilidad pang maagang mapalaya sa pamamagitan ng parole o etc.
Irerekomenda ng warden o ng mga nakatataas na bigyan ng parole ang nahulian ng droga dahil ‘mabait’ na umano pero ang totoo pala ay dahil malaki ang ibinigay.
Kaya kung susuriin ang mga nangyayari ngayon, sabihin ko man na labag sa kalooban ko ang parusang kamatayan, dapat lamang na ibalik ang kaparusahang iyan ngayon.
Sinasabing wala rin daw mangyayari kung ibalik ang kamatayan – nand’yan pa rin ang mga krimen. Oo nga pero kapag mayroon sigurong mabibitay na dayuhang nagbabagsak ng droga sa bansa, marahil ang mga sindikatong mulang bansa ay magdadalawang isip na…maging ang mga local na tulak dito.
Kaya ang sigaw natin hinggil sa lumalalang krimen sanhi ng droga, “Ibalik ang parusang kamatayan!”
Almar Danguilan