ni Ed de Leon
MUKHANG marami pang detalyeng lalabas diyan sa kaso ni Vhong Navarro. roon sa kanyang sinumpaang pahayag, inamin niya na nagkaroon sila ng “sexual contact” ni Deniece Cornejo noong kanyang unang pagdalaw sa condo niyon. Iyan ay isang bagay na ikinaila naman ng modelo.
Roon din naman sa CCTV footage na nakuha ng NBI, maliwanag na nakarehistro ang pagdating ni Vhong sa Forbeswood Parklane Condo, ang pag-alis ni Deniece sa kanyang unit at paglabas sa condo matapos lamang ang mga dalawang minuto, na sinundan naman ng pagdating ni Cedric Lee at ang kanyang mga kasama. Meaning nang pumasok si Cedric sa loob ng condo ay nakalabas na si Deniece, kaya parang malabo ang naunang kuwento na nahuli nila si Vhong na nakapatong kay Deniece kaya nila iyon ginulpi.
Lumalabas din, ayon na rin sa kanila mismong pahayag na ang gumulpi kay Vhong ay si Cedric, kasama ang isang mixed martial arts fighter na kinilalang si Zimmer Raz, at pagkatapos ay tinulungan sila ng iba pa na kinikilala ngayong isang Ferdinand Guerrero, isang alyas Mike at dalawa pang “John does”.
Pinanindigan din ni Vhong ang kanyang unang statement na kinunan siya ng video, at binaboy ang kanyang pagkalalaki. Pinaso umano ang kanyang ari ng hindi niya malaman kung anong dahilan habang nakatakip ang kanyang mga mata. Sinasabi niyang nangyari ang lahat ng iyan sa loob ng condo ni Deniece. Pero lumalabas na wala na roon ang babae nang nagkakaroon ng gulpihan. Nagkita sila ulit, sa presinto na. Inamin din niyang takot ang dahilan kung bakit hindi siya nagbigay ng statement sa pulis, at tumanggi ring dalhin pa siya sa ospital. Nagpahatid na lang siya kung nasaan ang kotse niya para matakasan ang mga gumulpi sa kanya.
Instrumentalist/ singer Paul, puwedeng maging artista
SA totoo lang impressed kami kay Paul Mahoney, ang Filipino Irish instrumentalist at singer na ipinakilala at ini-launch ng Viva noong isang araw. Ilongga ang nanay niya, Irish naman ang tatay niya at ipinanganak siya at lumaki sa US. Isa na siyang session musician at solo artists sa US nang makita ng composer na si Vehnee Saturno ang video niya. Bilib din si Vehnee kaya pinapunta siya sa Pilipinas, at ngayon nga may album na siya sa Viva.
Tiyak na ang makatatawag ng pansin sa kanyang album ay iyong kantang Into the Sun, na kinanta ni Sarah Geronimo habang sinasaliwan niya ng pagtugtog ng saxophone, pero siguro nga kailangan ding pansinin ang kantang Naaalala Kita, ang kaisa-isang awitin na kinanta niya sa album. Iyong iba kasi tumugtog siya ng saxophone.
Matapos naming marinig sa kanyang launch, paulit-ulit naming pinakikinggan ang kanyang album. Palagay namin dahil may hitsura rin naman si Paul, darating ang araw magiging artista rin iyan.