Pork ng 4 na Senador ipinasasauli
IPINASASAULI ng Commission on Audit (COA) sa apat na senador ang milyun-milyong piso mula sa kanilang priority development assistance fund (PDAF) o pork barrel, na napunta umano sa mga “ghost project” ng mga pekeng nongovernment organization (NGO) ng tinaguriang “pork scam queen” na si Janet Napoles.
Ang apat na tinutukoy ay walang iba kundi ang magigiting na mambabatas ng Senado na sina Sens. Bong Revilla, Juan Ponce-Enrile, Jinggoy Estrada at Gringo Honasan.
Maaalalang maliban kay Honasan, ang tatlong senador na ito ay pawang nahaharap sa kasong plunder na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Ombudsman kaugnay ng pork scam.
Ang reklamo ay batay sa testimonya ng mga whistleblower sa pangunguna ni Benhur Luy, na kaanak at dating empleyado ni Napoles. Ayon sa kanila ay aabot sa P10 bilyon ang halaga ng pondong pork barrel na napunta sa mga pekeng proyekto ng mga NGO ni Napoles at sa kickback ng mga mambabatas na sangkot dito.
Hindi nasama si Honasan sa plunder case dahil P14.55 milyon lang umano sa kanyang pork ang pinadaloy sa mga pekeng NGO, at mababa ito sa P50 milyon. Samantalang kay Revilla ay P413.29 milyon, kay Enrile ay P332.7 milyon, at P191.58 milyon naman ang kay Estrada.
Ayon kay COA Chair Grace Pulido-Tan ay pinadalhan na nila ng “notice of disallowance” ang apat na senador, kaya obligado silang ibalik ang pera nang naaayon sa batas.
Ang tanong ay mapupuwersa kaya ang mga senador na ito na magsauli ng kanilang pork barrel?
Nauna rito ay nagpahayag ang COA chief na mag-iisyu sila ng libu-libong notice of disallowance matapos mapag-alaman na P6.2 bilyon sa pork barrel ang iligal na nailipat sa 82 NGO mula 2007 hanggang 2009. Ang walo sa naturang mga NGO ay konektado kay Napoles.
Sa totoo lang, mga mare at pare ko, ang kinapananabikan ng marami ay matapos agad ang kasong plunder at maipakulong daw ang lahat ng damuho na naglilinis-linisan pero nakinabang naman at nagbulsa sa pondo ng pork barrel na pondo ng sambayanan. Panahon na raw para tuluyang malinis ang gobyerno at maalis ang mga buwayang namamayagpag dito.
Abangan!
***
BINEBERIPIKA na ng kapulisan ang records ng mga baril ni Cedric Lee at ng kanyang mga kasama sa panggugulpi sa actor-TV host na si Vhong Navarro.
Kapag napatunayang ginamit nga ang baril sa paggawa ng krimen o may nilabag sina Lee ay puwedeng ma-revoke ang lisensya ng kanilang mga armas. Aminado si Lee na dalawa ang kanyang baril pero hindi raw niya ito dinadala dahil expired na ang kanyang permit to carry.
Maaalalang ayon kay Navarro ay tinutukan siya ng baril ng isa sa mga kasama ni Lee sa loob ng condominium unit na pinangyarihan ng pambubugbog. Ang pagmamay-ari ng baril ay malaking responsibilidad, mga mare at pare ko, at hindi nararapat sa mga tao na madaling mag-init ang ulo o mahilig mambugbog, kahit mayayaman pa ang mga damuhong ito.
Tandaan!
Ruther D. Batuigas