BUNSOD ng depresyon, binaril at sinunog ng isang negosyante ang kanyang misis, ang dalawang anak at ang kanyang sarili sa loob ng nasusunog nilang kotse sa liblib na lugar ng Dampas district, sa lungsod ng Bohol kamakalawa ng umaga.
Ayon sa ulat ng Bohol Chronicle, Naniniwala ang mga imbestigador na ang pagkalugi sa lending firm ang nagtulak sa 36-anyos negosyanteng si James Co para gawin ang insidente.
Narekober ng pulisya ang sulat-kamay na suicide note ng negosyante sa kanilang bahay kamakalawa na may katagang “My death is not a regret. Now I see the price to pay which I cannot afford to run and hide.”
Nag-iwan din siya ng note na naka-address sa isang staff ng St. Peter’s Funeral Home.
Ayon sa isang testigo na nakapanayam ng pulisya, binaril ni Co ang kanyang misis na si Cindy, 37, habang nasa loob ng kotse, saka lumabas upang isara ang car hood. Muli siyang bumalik sa loob ng kotse at binaril ang kanyang dalawang anak, edad 10-anyos at 5-anyos, saka binaril ang kanyang sarili.
Kasalukuyan nang nasusunog ang kotse nang barilin ng bangkaroteng negosyante ang pamilya at ang sarili.
Naganap ang insidente kamakalawa ng umaga sa kalsada ng Sitio Banairan ng Brgy. Dampas, sa lungsod na ito, limang kilometro ang layo mula sa kanilang bahay sa Peñaflor Street sa Brgy. Booy, sa lungsod.
Sa ulat Chronicle, kamakalawa ng gabi ay tineks ni James ang kanyang kaibigan na kinilalang si Carlos dakong 10:41, nakasaad ang katagang, “Sumting hapen to us. Pls pray for our family.” Makaraan ang ilang minuto, tineks din ni James ang staff ng St. Peter Funeral Homes kaugnay sa insidente.
Natagpuan ng mga tauhan ng Scene of Crime Operatives (SOCO) sa pangunguna ni SPO2 Andres Garcia ng BPPO crime laboratory, ang sunog na bangkay ng mga biktima sa loob ng natupok nilang sasakyan.
Ayon kay Baby Jane Lapot, kasambahay ng pamilya, napansin niyang naging malungkutin si Co nang malugi ang kanyang lending business.
Kamakalawa, nasorpresa si Lapot nang pwersahin ni Co ang kanyang 10-anyos anak na sumakay sa kotse bagama’t may sakit ang bata.
Narekober ng SOCO ang plastic soft drink bottle na nilagyan ng gasolina, 9mm pistol, at basyo ng bala.