MAY nabasa akong kolum ni Ike Gutierrez sa People’s Journal regarding sa nakabinbin na disqualification case sa pagka-alkalde laban kay ex-President Joseph “Erap” Estrada.
Narito ang isang paragraph na sinabi niya sa kanyang kolum:
“Balita na di gagalawin ng Supreme Court and disqualification petition laban kay Manila Mayor Joseph E. Estrada. Tama lang. Harassment lang ang disqualification moves. Forum shopping pa. Binasura ng Comelec, sinupalpal ng RTC ang petisyon. Si Mayor Erap ay aboard na as mayor. Napakapuno ng aksyon at achievements ang first 6 months niya. Malaking disgrasya if he’ll be disqualified. There will be a devastating public uproar.”
Ginagalang natin ang opinion o damdaming ito ni Gutierrez, spokesperson ni Erap, PR man at isa ring batikang kolumnista.
Pero para namang sinabi rito ni Gutierrez na namimili at tinutulugan ng Korte Suprema ang mga kaso na nakasampa sa kanila. Na dedesisyunan lang nila kung kailan nila gusto o ibuburo nila hangga’t gusto nila.
Hindi ganito ang pagkakaalam ng taongbayan sa karakter ng Kataastaasang Hukuman.
Ang pangako nga ng bagong Chief Justice ng Korte Suprema na si Lourdes Sereno, lahat ng kasong nakasampa sa kanila ay dedesisyunan nila ng mabilis at naaayon ayon sa batas. Ayaw niyang inaamag ang kaso sa korte. Nananawagan pa nga siya sa mga abogado na i-report sa Korte Suprema ang mga piskal at huwes na di parehas at pabaya sa tungkulin.
Ang nangyari po kasi rito sa disqualification case ni Erap ay na-defer o reset daw ng dalawang buwan ang nakatakdang enbanc session nung Enero 14 (Martes) dahil naka-leave pa yata ang ilang associate justices gayundin si Sereno.
Ang Korte Suprema ay nagsasagawa ng enbanc tuwing Martes o Biyernes.
Tambak sila ngayon sa mga mahahalagang kasong dapat desisyunan tulad ng DAP at PDAP.
Ang disqualification case laban kay Erap ay hindi rin madali. Kailangan himayin itong mabuti ng 15 Justices. Dahil nakataya rito ang kanyang political career. Pag na-disqualify siya, hindi na siya makaboboto at di narin puwedeng humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Anuman ang maging desisyon ng Korte Suprema sa kasong ito ay magiging batayan na ng mga kahalintulad na kasong isasampa sa hukuman.
Nakaabang din dito ang kampo ng ex-convict rapist na si dating Cong. Romeo Jalosjos na nauna nang dinis-qualify ng Korte Suprema sa pagtakbong mayor sa Zamboanga.
Si Jalosjos, tulad ni Erap, ay nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo. Nakalaya lamang siya dahil sa executive clemency at hindi na puwedeng humawak ng posisyon sa gobyerno.
Sabi nga ni Erap, isa na siyang history. Na ang Maynila ay nagkaroon ng ex-convict mayor…
Hindi rin ‘forum shopping’ ang ginawa ng nagsampa ng disqualification case laban kay Erap. Dahil dumaan ito sa tamang proseso. Totoong binasura ng Comelec ang pagpapa-disqualify kay Erap dahil ang katuwiran nito ay tumakbo na si Erap noong 2010 presidential election, natalo nga lang kay P-Noy.
Totoong sinupalpal din ng RTC ang kasong ito. You know… ang tawag nga ni Erap sa mga Huwes at Mahistrado “Hoodlum in Robes”.
Sa pagsasampa ng kaso, kapag ang nag-aakusa ay hindi kontento o duda sa naging desisyon ng mababang korte, tatakbo ito sa pinakamataas na hukuman, ito yung Korte Suprema. Kaya walang forum shopping sa kasong disqualification case vs Erap, Mr. Gutierrez, Sir!
At bilang isang Manilenyo, hinahanap ko ang sinasabi ni Mr. Gutierrez na puno na ng aksyon at achievements ang first six months ni Erap as Manila mayor.
Kung taga-Maynila at concerned sa kabutihan, katahimikan at kaayusan ng Manilenyo si Mr. Gutierrez, makikita niya ang napakalaking kaibahan ng pamumuno ng nakaraang administrasyon ni Alfredo Lim sa pamamahala ngayon ni Erap.
Panahon ni Lim, libre ang gamutan pati na ang kuwarto sa anim na district hospitals ng lungsod. Mababa ang buwis. Ang mga pulis na kotong, pinatatalsik! Walang masyadong illegal gambling di tulad ngayon kahit “tupada” naging talamak. Ang mga kriminal mabilis maaresto. Ang mga vendor disiplinado. Walang nakakalat na basura sa kanto-kanto ng Maynila. At higit sa lahat, pag may reklamo naaksiyunan agad.
Hindi sa tinatawaran natin ang kakayahan ni Erap as mayor, naging senador at presidente pa nga siya na ibig sabihin ay sobra sobra siya sa karanasan as public servant. Pero sa tingin ko ay tinatamad na siyang magtrabaho o nabobola na siya ng mga nakapaligid sa kanya na puro paggawa ng kuwarta ang tinatrabaho.
Wish natin, kay Erap, pag nabasura ang disqualification case laban sa kanya, ay palitan nya na ang mga nakapaikot sa kanya ngayon na puro raket ang ginagawa. Mag-iwan ng legacy sa Manilenyo.
That’s it!
Pero kapag hindi naman pumabor sa kanya ang hatol ng Korte Suprema, dapat tanggapin niya ng maluwag sa kalooban dahil ito ang batas.
Oo, ang batas ay malupit, pero ito ang batas!!!
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015
Cell: 0919-3297810 / E-mail add: [email protected]
Joey Venancio