MUKHANG sasablay si Sec. Ping Lacson sa pagiging rehab czar dahil mukhang nagiging flexible ang mamang dating mambabatas sa takbo ng politika sa bansa.
Kung noon dati ay matapang si Ping na batikusin ang mga pasimuno ng palpak na bunkhouses ay mukhang bigla siyang kumambiyo dahil malinaw sa kanyang statement na inayos na raw at mayroong paraan ang mga pumalpak na kontratista at DPWH employees para ituwid ang kanilang pagkakamali.
Mukhang ito ang maglalaglag kay Lacson patungo sa Malakanyang dahil hindi siya kilala ng mga tao na ganito kalambot at iyan ay ipinakita niya sa kanyang mga expose at pakikipaglaban noong siya ay pulis at mambabatas pa lamang.
Sa madaling salita, dapat ibalik ni Mang Ping ang kanyang matapang na prinsipyo dahil dito nagtiwala sa kanya ang publiko lalo na sa panahon ngayon na naghahanap ang mamamayan ng ‘Pinas ng matinong lider ng bansa.
Pagkakataon na ang hawak ni Lacson kaya’t sana naman ay huwag niya itong sayangin dahil naroon na siya sa tamang daan patungo sa Palasyo ng Malakanyang.
***
Hindi na biro ang sunod-sunod na patayan sa bansa gamit ang mga riding in tandem na mga kriminal.
Ito ang dapat atupagin ngayon ng pamahalaan lalo na ang pulisya dahil mukhang patungo na sa anarkiya ang bansa kapag nagtuloy-tuloy ito.
Ayaw natin ng bansang walang iginagalang na gobyerno kaya’t habang may panahon pa ay gawan na nila ito ng paraan dahil posibleng marami pang buhay ang malalagas dahil sa pagiging iresponsable ng pulisya at iba pang awtoridad.
Alvin Feliciano