LIMANG menor-de-edad na miyembro ng B12 Gang (Batang Dose), ang naaresto matapos masundan ng kanilang pinagnakawan sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi .
Isang alyas Pampi, 13-anyos, tumatayong lider ng grupo, kasama ang apat pang menor-de-edad na sinabing sakit ng ulo sa kanilang barangay sa Bagong Barrio, ang dumayo pa sa Batangas para magnakaw.
Sa salaysay ng biktimang si Evelyn Garcia, 52-anyos, empleyado ng Department of Trade and Industry (DTI), kapitbahay niya sa Batangas ang nakatatandang kapatid ni Pampi at sa tuwing dumadalaw sa kanyang kuya ay pinag-aaralan na pala ang bahay niya.
Kamakalawa ng gabi, nabuksan ng mga suspek ang bahay ng biktima sa pamamagitan ng pagsira sa bintana nito at natangay ang dalawang laptop at isang i -Pod, saka umuwi sa Brgy. 157, Bagong Barrio at doon ibenenta ang mga nakulimbat.
Agad nakahingi ng tulong ang biktima sa mga barangay tanod at dakong 11:00 ng gabi, naaresto ang mga suspek na ayon sa mga kagawad ng barangay, sakit ng ulo ang mga kabataang miyembro ng B12.
Nasa pangangalaga ngayon ng Social Welfare Department (SWD) ang limang bagets.
(rommel sales)