Arestado ang walong hinihinalang miyembro ng sindikatong sangkot sa pagnanakaw sa Sta. Maria Street, Sta. Ana, Maynila, Martes ng madaling araw.
Sinugod ng Mandaluyong Police ang hide-out ng mga suspek sa bisa ng dalawang search and arrest warrant ng Mandalauyogn RTC 209 laban sa Anovar-Abraham robbery-holdup group.
Responsable umano ang grupo sa mga nakawan at panghoholdap sa mga bus at establisyemento sa Kamaynilaan gamit ang mga riding-in-tandem.
Kamakailan, naaresto na ang ilang miyembro ng grupo at nakakulong sa Mandaluyong kung kaya’t nalaman ang pinagtataguan ng ilang pinuno ng grupo sa Maynila.
Arestado ang walong suspek kabilang ang anim lalaki at isang babae na naabutan pang gumagamit ng ilegal na droga.
Nakatakas ang lider ng grupo na si Bernardo Mallari alyas “Guding,” na umano’y financier ng Anovar-Abraham group, pero kasama sa mga naaresto ang kinakasama niyang si Rosario Domingo alyas “Madam.”
Nakarekober ang mga awtoridad ng mga baril, granada, bala, cellphones at isang motorsiklo sa naturang hideout.