MUKHA talagang walang PANGIL ang Ombudsman at Sandiganbayan kung ang pagbabasehan natin ay ang umiiral na KAPAL ng MUKHA at TIBAY ng SIKMURA ng ilang tiwali sa Caloocan City.
Ang inyo pong lingkod ay napagsumbungan lang ng mga negosyante pero talaga namang kahit tayo ay nakaramdam ng galit at pagkadesmaya.
Umabot daw po kasi sa 300 percent ang itinaas ng business tax sa Caloocan City.
Kaya ibig sabihin, kung dati ay nagbabayad ng P3,000 ang isang negosyante ito ay biglang naging P9,000.
Mantakin ninyo kung gaano kalaki ang itinaas?!
Kung ang pagtataas ng TAX ay inevitable o hindi maiiwasan, idinaraan pa rin ito sa proseso.
Kahit na mayroong resolusyon ang konseho pero hindi naman nagkaroon ng public hearing, ang pagtataas ng buwis ay nagiging kwestiyonable.
Pero bukod sa 300 percent tax hike, nabisto natin na mayroon palang ‘CASH-AYUSAN’ na nagaganap d’yan sa Caloocan City Treasurer’s Office.
Ayon sa ating source, isa sa mga incentive na ibinibigay sa mga negosyante sa Caloocan City (at sa ibang siyudad) kapag maagang nagpapa-assess ng kanilang mga bayarin sa business permit ay nabibigyan sila ng 20 percent discount at pwede pa silang mag-isyu ng manager’s check.
Pero ngayon, ibang klase na raw.
Hindi na pwede ang TSEKE kahit manager’s check pa ‘yan.
CASH na raw ang labanan.
At kung hindi makapagbibigay ng CASH, forfeited ang 20 percent discount.
Pero ito ang matindi kaya pala gusto ng ilang tulisan sa Caloocan Treasurer’s office ay dahil ‘yung na-discount mo ay ihahatag mo rin sa kanila?!
At kung hindi ka naman maghahatag ay lalakihan naman nila ang kwentada ng buwis mo!
Sonabagan!!!
Mukhang mahigpit ang pangangailangan ng Caloocan ngayon. CASH ang pinag-iinitan.
Ngayon lang daw nangyari sa Caloocan ‘yan.
Hindi raw ‘yan nangyari sa ilang taon panunungkulan ni dating Mayor Recom Echiverri.
Mantakin ninyo, araw-araw ay nababalitaan natin ang ‘paglilinis’ ng administrasyon ni Pangulong NOYNOY hanggang sa local government units (LGUs). Patuloy ang kanilang pagsusulong na bawasan kung hindi man kayang tuldukan ang katiwalain na nagaganap sa iba’t iabng ahensiya ng pamahalaan.
Hindi yata lumilipas ang isang linggo na hindi nagpapa-presscon si Secretary of Justice (SoJ) Leila De Lima para ipaalam sa publiko kung sino-sino na ang mga nakasuhan sa illegal na distribution ng pork barrel ng mga mambabatas sa pamamagitan ng mga pekeng non-government organizations (NGOs) ni Janet Lim Napoles, pero mukhang hindi kinatatakutan ‘yan ng mga tiwali sa Caloocan.
Tuloy-tuloy lang sila basta’s makalulusot.
Ano na ba talaga ang nagyayari sa Caloocan?!
ALAM mo ba ‘yan Mayor Oscar Malapitan?!
Paging Commission on Audit chief Grace Pulido Tan … pakipasadahan lang po ang sistema ng accounting sa Caloocan City.
Saan napupunta ang buwis na ibinubulsa ‘este’ ibinabayad ng mga taga-KANKALOO!?
TWO MONTHS NANG WALANG BANDILA ANG FLAG POLE NG NAIA T-1 (ANYARE!?)
MUKHANG nahihirapan ba ang MIAA na maghanap ng bandila na ilalagay sa main flag pole ng NAIA Terminal 1?
Ito ang nagsisilbing marker na madaraanan bago ka makarating sa security checkpoint sa pagitan ng Parking A at Parking C.
For the record, matagal nang walang bandila na nakakabit sa pangunahing flag pole ng airport. Ang NAIA T1 pa man din ang may pinakamaraming dayuhang may dumarating at umaalis.
Sa tuwing madaraanan ito ay hindi pwedeng hindi mapansin ng sinoman, maging dayuhan man o local citizens ng bansa.
Anyare, MIAA GM Bodet Honrado? Tanong nga ng mga urot sa airport, baka tinatahi pa ni Marcela Agoncillo ang bandila?
Wow Hanep! Talagang makasaysayang bandila ‘yan at siguradong orig.
Kelan kaya natin matatanaw muli ang wumawagayway na bandila ng Filipinas sa nagsisilbing tahanan nito sa NAIA T-1?
LABAN BAWI NG KONSEHO NG MAYNILA AT NG NHCP
PEACE na raw ngayon sina Manila Councilor DJ Bagatsing at National Historical Commission (NHCP) Executive Director Ludovico Badoy kaugnay ng isyu sa pagpapatanggal ng suspensiyon sa konstruksiyon ng 46-storey Torre De Manila sa Taft Avenue, Ermita, Maynila.
Una na kasing tinutulan ng City Council ang konstruksiyon nito dahil sisirain umano nito ang “sacred sightline” ng Rizal Park at Rizal Shrine.
Umasa ang Konseho ng Maynila lalo na si Konsehal Bagatsing na susuportahan sila ng NHCP sa kanilang posisyon pero hindi ito nangyari dahil mismong si NHCP Chairperson Maria Serena Diokno ang nagsulat kay DMCI consultant Alfredo Andrade na wala na silang dapat ipag-alala.
Sa liham ni Diokno kay Andrade, ganito ang kanyang sinabi: “Your project site is outside the boundaries of the Rizal Park and well to the rear of the Rizal National Monument, hence it cannot possibly obstruct the front view of the said National Monument.”
Sa kanyang liham, inirekomenda rin ni Diokno sa Manila City Hall na bumuo sila ng isang ordinansa.
“An ordinance designating a buffer zone around Rizal Park and prescribing guidelines building development to prevent the recurrence of a similar ‘dilemma’ in the future.”
Para makatiyak sa posisyon na ito, tinawagan pa umano ni Bagatsing si Badoy pero lalo lang siyang nadesmaya dahil wala umanong nilalabag na batas ang Torre De Manila.
Nang igiit umano ni Bagatsing na sisirain nito ang vista ng Rizal Shrine, isinagot umano ni Badoy na: “Bakit, sa gilid mayroon na,” na ang tinutukoy ay ang Eton Baypark Manila sa T. M. Kalaw.
Ang huling balita, wala umanong nagawa ang Konseho kundi tanggalin ang suspensiyon ng konstruksiyon ng Torre De Manila dahil sa posisyon ng NHCP.
Pero iba ang nakarating na ‘BULONG’ sa inyong lingkod.
Inalis ng Konseho ang suspensiyon sa Torre De Manila dahil mayroon umanong pangako na ‘reregalohan’ ng isang tig-iisang yunit sa nasabing condo ang mga ‘malalapit’ kay Erap?!
Which is which, Konsehal DJ Bagatsing?
Mukhang nagamit pa ang ‘posisyon’ ng NHCP para magkaayusan?!
Ano sa palagay mo Executive Director Vic Badoy?!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com