TIYAK na nagpupuyos ngayon sa galit ang grupo ni Nur Misuari na Moro National Liberation Front (MNLF) matapos ang makasaysayang kasunduan na tinatawag na Annex of Normalization.
Siguradong maraming lumalaro ngayon sa utak ng mga tao ni Misuari lalo’t ang bagong normalization documents ay mangangahulugan lamang ng kanilang pagka-etsapwera sa usapin ng kinikilalang grupo ng pamahalaan sa Mindanao o mga grupong Muslim.
Malinaw na tanging ang Moro Islamic LIberation Front (MILF) ang kinikilala ng gobyernong PNoy at dito dapat maging handa ang pwersang militar ng bansa lalo’t higit ang intelligence community ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) dahil tiyak na may gagawing aksyon dito ang MNLF.
Kitang-kita natin sa nangyari sa Zamboaga ang marahas at madugong ikinilos ng grupong MNLF kaya’t mas mainam na iyong handa ang pamahalaan sa mga malalang scenario.
Hindi lamang Mindanao ang dapat bantayan ng militar at pulisya sa kanilang mga hakbang dahil posibleng sa hindi inaasahang lugar dalin ng tropang MNLF ang kaguluhan o digmaan.
Marami pang tiyak ang magaganap sa paghahanap natin ng ganap na kapayapaan sa Mindanao kaya’t dapat lahat ng opsyon ay bukas at handa dahil buhay at ari-arian palagi ang nakataya sa naturang usapin.
Alvin Feliciano