Monday , December 23 2024

DoJ pasok sa kaso ni Vhong

TINIYAK ni Justice Secretary Leila de Lima ang patas na imbestigasyon hinggil sa kaso ng TV host-actor na si Vhong Navarro at modelong si Deniece Cornejo.

Binigyang-diin ni De Lima na magkakaroon ng hustisya sa nangyari dahil tinututukan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bawat anggulo at motibo ng pambubugbog kay Navarro at maging ang alegasyong attempted rape ng aktor sa modelo.

Kaugnay nito, ipinauubaya na lamang ng kalihim sa NBI ang pagtukoy sa tunay na pangyayari.

Kahapon ay humarap na sa NBI headquarters ang ilang gwardiya ng condominium units na pinuntahan ni Navarro sa Taguig City habang pinahaharap din sina Cornejo at Cedric Lee na sinasabing kasama sa nag-set-up sa aktor.

Sa susunod na linggo ay inaasahang maglalabas ng resulta ang NBI sa insidente na naganap noong gabi ng Enero 22.

“This is worth investigating because we have two different versions. Kailangan ng hustisya, makuha kung sino tunay na biktima, makuha talaga ang hustisya,” ani De Lima.

BAHAY NI VHONG TINANGKANG PASUKIN

MANILA – Nakipagkita ang kampo ng ABS-CBN actor/TV host Vhong Navarro kay Justice Secretary Leila De Lima, kahapon ng hapon, para hilingin ang isang  patas na imbestigasyon sa naganap na pambubugbog kay Navarro noong Enero 22, sa Taguig City.

Kasama ng  manager ni Navarro, ang  film at television director, Chito Roño, kanilang abogado, Dennis Manalo at Alma Mallonga, at Tony Calvento.

Sinabi rin nina Manalo at Mallonga, mayroon  nagtangkang pumasok na hindi kilalang lalaki sa tahanan ni Navarro sa Quezon City kamakalawa ng gabi, matapos ang panayam sa aktor ni Boy Abunda sa   Buzz Ng Bayan.

“Si Vhong ipinagbigay-alam sa akin na ang kanilang bahay ay may banta na pasukin. Isang tao na umaligid sa bahay, kumatok, at nagsabi na ‘buksan ang gate!’ ‘Yung katulong, buti hindi nagbukas ng gate,” ani Manalo.

CORNEJO, LEE NAGSALITA NA

MANILA – Nagsalita na rin ang modelong si Deniece Millinette Cornejo sa isang ekslusibong panayam ng ABS-CBN News nitong Lunes, at pinagdiinan na siya—at ‘di ang host-actor  Vhong Navarro – ang biktima sa naganap na insidente sa kanyang condominium unit sa The Fort, Taguig.

Kasama ang magkapatid na Cedric at Bernice Lee, sinabi ni Cornejo na maghahain siya ng reklamo laban kay  Navarro sa tangkang panggagahasa sa kanya.

“Isa lang po masasabi ko. If you want justice, I’ll give you the real justice. Mataas, napakataas ng paghanga ko sa mga lalaki na marunong rumespeto at ipagtanggol ang mga kababaihan. Kung meron mang inosente at biktima rito, wala nang iba kung hindi ako,” pahayag niya  kay ABS-CBN News reporter Jay Ruiz.

Sinabi ni Cornejo na noong una, gusto niyang ilihim ang mga pangyayari at nais niya lang maging isang pribadong indibidwal.

“I’ve consulted my lawyer. Pero for now, medyo nato-trauma ako sa mga ganyang ugali at saka pangyayari,” dagdag ni Cornejo.

Samantala, inamin  ni Cornejo na siya’y may kamag-anak na  may mataas na katungkulan sa isang malaking network.

“Lolo ko po ‘yung isa sa mga matataas na posisyon sa kabilang network,” aniya pa.

ADMIN, SEKYU NG CONDO IPINATAWAG

NAGBABALA si Taguig police chief Senior Supt. Arthur Felix Asis, sasampahan ng kasong kriminal ang building administrator at security officers ng condominium, kapag hindi makipagtulungan sa Taguig City police sa imbestigasyon sa panggugulpi sa actor-TV host Vhong Navarro.

Ani Asis, mapipilitan silang magsampa ng kasong Obstruction of Justice laban sa building administrator at security personnel sa Forbeswood Heights, kapag nabigo ang pamunuan ng condominium sa kanilang kahilingan.

Ani Asis, hindi pinayagan ng mga guwardiya ang kanyang mga imbestigador na magsiyasat sa naturang condo kaugnay sa insidente.

Ayon pa kay Asis, puspusan ang kanilang pagsisiyasat batay sa kautusan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Carmelo Valmoria at sa direktiba rin ni Mayor Lani Cayetano.

(JAJA GARCIA)

BLOTTER VS VHONG MARAMING LAPSES

May duda ang kampo ng “It’s Showtime” host, Vhong Navarro, kung maayos bang natugunan ng mga awtoridad ang kaso nang ilapit sa istasyon ng pulisya ang  pambubugbog.

Sa panayam kay Dennis Manalo, abogado ng Kapamilya host, hindi nito hinuhusgahan ang mga pulis na unang umasikaso sa insidente, pero kung babasehan  ang salaysay ng biktima, may “lapses” na masisilip.

Sa salaysay ni Navarro, hindi unipormado ang mga dinatnan nila sa istasyon kaya nang tanungin ukol sa kanyang panig sa pangyayari, hindi na ito nagsalita dahil sa takot.

“Nakakasama ng loob na ang ganitong pangyayari ay maaaring maganap sa isang istasyon ng pulisya kasi alam niyo, talagang dapat ang police station kapag tayo ay nasa loob n’yan, dapat tayo ay hindi na natatakot kundi kamo lalo tayong nagiging kampante.

“Ngunit sa pagkakataong ito, base sa sinabi ni Vhong Navarro, may mga kapansin-pansing lapses na nangyari rito.”

Dapat sana’y agad nabigyan ng medical aid at nai-secure ng pulis ang kondisyon ng isang biktima.

“I just want to discern to the Taguig Police and I want to hear their side before I make any kind of conclusion on the matter,” diin ni Manalo.

Nang puntahan ng Taguig Police ang condominium, sinabi ng pamunuan na walang insidenteng nangyari sa kanilang mga unit.

KASO VS SUSPECTS MAS MABIGAT  SA FRUSTRATED MURDER

Tiyak ang pagsasampa ng kasong kriminal ni Vhong Navarro laban sa mga taong nasa likod ng pambubugbog sa kanya noong Enero 22.

Sa panayam kay Dennis Manalo, abogado ni Navarro kung frustrated murder na ang ihahabla nilang kaso.

“Pero ito ang masasabi ko sa lahat ng naghahanap ng hustisya sa nangyari kay Vhong Navarro, mas mabigat pa ho sa frustrasted murder ang isasampa namin,” pagdidiin ng abogado.

May mga pangalan at personalidad nang nabanggit si Navarro tulad nina Cedric Lee, Bernice Lee at ang nag-imbita sa kanyang si Deniece Milinette Cornejo.

Paliwanag ni Manalo, hindi lamang “under duress” o sapilitang pinaamin sa isang krimen si Navarro nang i-video ito habang inihahayag na isa siyang rapist at pinapirma rin sa blotter, kundi ginamitan pa ito ng pwersa.

“Ang kanyang pagsang-ayon sa mga krimeng ito ay hindi magagamit sa batas,” giit ni Manalo.

2 ANAK NI VHONG NAGTATAGO NA

Nagtatago ngayon ang dalawang anak ni Vhong Navarro, matapos bugbugin ng grupo ng kalalakihan.

Ito ang inihayag ng dating aktres na si Bianca Lapus, ex-wife ni Vhong.

Unang sinabi ni Vhong sa panayam ng “Buzz ng Bayan” na tinakot siyang papatayin ang kaniyang mga anak at magulang kapag lumabas ang isyu.

Galit din aniya ang kanilang anak sa ginawa sa ama nito.

“Galit [si Yce] kasi siyempre, kahit sino namang anak may gawin sa magulang mo na ganun,  masakit din yun sa kanya tapos syempre he’s not living a normal life right now, nakatago sila ng kapatid niya,” hinaing ni Lapus.

“Hindi ko ma-take… parang talagang sinasaksak yung puso ko,” ani Lapus na naramdaman niya nang mapanood ang exclusive interview ng Kapamilya actor na inakusahan ni Deniece Milinette Cornejo na nagtangkang mang-rape sa kaniya.

“Napaka-imposible pong gawin niya yun dahil nung unang panahon nga na papayat-payat pa yan, kumbaga hindi pa siya talaga Vhong Navarro noon, eh ang dami daming di hamak na magagandang babae na nagkakagusto dyan… Eh ngayon pa kaya na yung status nya iba na at ang gwapo na nya ngayon, tapos ngayon pa siya maggagaganyan,” giit nito.

About hataw tabloid

Check Also

Muntinlupa

Sa ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag
MUNTINLUPA NAGDIWANG SA DIWA NG TUNAY NA PUSO NG MAMAMAYAN

IPINAGDIWANG ng Lungsod ng Muntinlupa ang ika-107 Anibersaryo ng Pagkakatatag na isa sa mahalagang okasyon …

122024 Hataw Frontpage

DSWD relief goods inire-repack  
MALABON SOLON, ASAWA, 1 PA INASUNTO SA OMBUDSMAN

HATAW News Team INIREKLAMO sa Office of the Ombudsman sa kasong Qualified Theft at paglabag …

Chavit, umaariba sa poll ratings

HATAW News Team SA PAG-AKYAT ng kanyang grado mula 14.71% hanggang sa 26%, tila naging …

Barasoain Malolos Bulacan

Pamanang kultural ibinida ng Bulacan sa PH Experience Program ng DOT

IPINAGMAMALAKI ang mayaman at makulay na kultura ng Bulacan, ibinida ng mga Bulakenyo ang pamanang …

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

Listahan ng mga bawal na paputok at pyrotechnic device inilabas ng PNP

KASUNOD ng inspeksiyon ni PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil sa mga tindahan ng mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *