May duda ang kampo ng “It’s Showtime” host, Vhong Navarro, kung maayos bang natugunan ng mga awtoridad ang kaso nang ilapit sa istasyon ng pulisya ang pambubugbog.
Sa panayam kay Dennis Manalo, abogado ng Kapamilya host, hindi nito hinuhusgahan ang mga pulis na unang umasikaso sa insidente, pero kung babasehan ang salaysay ng biktima, may “lapses” na masisilip.
Sa salaysay ni Navarro, hindi unipormado ang mga dinatnan nila sa istasyon kaya nang tanungin ukol sa kanyang panig sa pangyayari, hindi na ito nagsalita dahil sa takot.
“Nakakasama ng loob na ang ganitong pangyayari ay maaaring maganap sa isang istasyon ng pulisya kasi alam niyo, talagang dapat ang police station kapag tayo ay nasa loob n’yan, dapat tayo ay hindi na natatakot kundi kamo lalo tayong nagiging kampante.
“Ngunit sa pagkakataong ito, base sa sinabi ni Vhong Navarro, may mga kapansin-pansing lapses na nangyari rito.”
Dapat sana’y agad nabigyan ng medical aid at nai-secure ng pulis ang kondisyon ng isang biktima.
“I just want to discern to the Taguig Police and I want to hear their side before I make any kind of conclusion on the matter,” diin ni Manalo.
Nang puntahan ng Taguig Police ang condominium, sinabi ng pamunuan na walang insidenteng nangyari sa kanilang mga unit.