MAGSASAMA-SAMA ang mga lehitimong vendor sa Carriedo at Hidalgo streets sa Maynila upang isumbong kay Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang dinaranas nilang panggigipit ng isang kuwestiyonableng organisasyon sa pakikipagsabwatan ng ilang matataas na opisyal ng City Hall at Manila Police District (MPD).
Batay sa sinumpaang salaysay ng mga vendor, sa naganap na pulong nila kina Erap, Monsignor Glen Ignacio, City Administrator Simeon Garcia, at Marife de Villa sa tanggapan ng pari noong Disyembre 10, 2013, napagkasunduan nilang ang bawat manininda ay magbabayad ng P80/ araw para sa City Hall at P1, 350 para sa “orange tent.”
Sabi umano ni Erap, walang makikialam na organizer sa Carriedo kahit na si De Villa na nakaharap sa pulong ay organizer ng AL2FEREX Organizers Co., na may address sa No. 50 Vista Verde Ave. Ext., Vista Verde Executive Village, Cainta, Rizal.
Ngunit hindi anila natupad ang presyong itinakda sa meeting dahil pagtalikod ni Erap ay nagkaroon ng hiwalay na meeting sa kanila si Garcia ng araw ding iyon alas-7 ng gabi sa Max’s Restaurant sa Roxas Blvd., kasama ang ‘financier’ ng tent at isang Lt. Aniciete ng Plaza Miranda Detachment at sinabing P15,000 ang dapat nilang ibayad sa tent.
Hindi pumayag ang vendors kaya’t hindi sila pinayagang magtinda kinabukasan, dahil dito nagpunta na naman sila sa tanggapan ni Garcia, at nakita nila roon ang isang mataas na opisyal ng MPD at ang isa sa mga kaharap nila sa 2nd meeting sa City Administrator, na ipinakilalang ‘financier’ ng “orange tent” ang naggigiit na P190 kada araw ang ibabayad sa bawat permit, P150 sa tent at P40 sa City Hall ng bawat vendor.
Hindi raw puwede ang presyong sinabi sa meeting kina Erap at Ignacio, kaya walang nagawa ang mga vendor kundi ang pumayag sa pag-aakalang hanggang Disyembre 31, 2013 lang ang bisa nito.
Ngunit nagpatuloy sa paniningil ang mga hindi kilalang kolektor ng AL2FEREX ng P150 hanggang Enero 1 kaya’t muling nakipagpulong ang vendors kay Garcia, mataas na opisyal ng MPD at mga taga-AL2REX sa Max’s Restaurant sa Tutuban nitong Enero 2, alas-5 ng hapon upang ihayag na wala na silang kakayahang magbayad pa ng tent.
Nagpatawag na naman ng pulong sa vendors si Garcia, Aniciete, financier ng tent at De Villa sa Max’s Restaurant sa SM Manila noong Enero 5 at doon ay inihayag muli sa kanila ng mga manininda na hindi nga nila kayang bayaran ang P150 kada araw, bagkus ay P60 sa tent at P40 sa City Hall lang ang kaya ng bulsa ng vendor.
Hindi na naman pumayag ang financier ng tent at ayon daw kay Erap, kung hindi nila kayang magbayad ay papalitan sila sa kanilang puwesto.
Hanggang ngayon ay patuloy ang pangongolekta ng AL2FEREX ng P150 kada araw sa bawat vendor batay sa memorandum ni De Villa na ipinadala sa Carriedo Vendors Association Inc.
Nabatid na ang AL2FEREX ay gumagamit ng index card bilang resibo sa pangongolekta at resibo na ang nag-imprenta ay Bertha Printing Services na may address sa “Bgy. 789, Quezon City” na may Tax Identification Number (TIN) “123-456-789-000”.
Napag-alaman na may kasong syndicated estafa na nakasampa laban kina De Villa, at mga tauhan niya sa AL2FEREX na sina Rodrigo at Jomar de Jesus, Acmad Ali at Aloida Roque sa piskalya sa Maynila na isinampa nina Ronald Paulino at Joan Hasegawa .
Ni PERCY LAPID