ARESTADO ang walo katao kabilang ang kanilang big boss, makaraan makompiskahan ng 300 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P2 milyon, sa isinagawang operasyon ng mga awtroidad kamakalawa ng gabi sa Guagua, Pampanga.
Sa ulat ni Central Luzon Police Director, Chief Supt. Raul Petra Santa, huli sa akto ng pagbebenta ng illegal drugs si Allan Adriano, alyas Tom, 45, sinasabing big boss ng grupo, ng Sitio Duat, at Patricio Lim , 41, ng Sitio Tacundo, ng nabanggit na bayan. Samantala, mabilis na nakatakas ang suspek na si Walter Santos, alyas Whisky.
Habang iniimbestigahan pa ang anim katao na pawang taga-Pulong Masle, kasamang dinampot sa drug bust operation sa Sitio Tacundo.
Ayon sa initial report ni Supt. Jose Marrie Basa, hepe ng Anti-Illegal Drugs Operation Task Force, matagal nang mino-monitor ng kanyang tanggapan, batay sa intelligence report ni Senior Inspector Michael Masangkay, chief of police ng Sta. Rita, ang talamak na illegal drug deal ng nasabing sindikato sa ikalawang distrito ng Guagua, gayundin sa kalapit na mga lalawigan.
Sa inilatag na operasyon ng mga awtoridad dakon 10 p.m. kamakalawa, dumating ang grupo sa lugar lulan ng Honda Accord (WGD-761) at isa pang sasakyan.
Paglapit ng poseur buyer kasama ang police asset, iniabot ng grupo ang isang pakete ng shabu.
Sa puntong ito, lumabas mula sa pinagtataguan ang mga operatiba at inaresto ang mga suspek. Gayunman, natakas si Santos na mabilis na pinaharurot ang kanyang sasakyan.
Narekober mula sa mga suspek ang P3,000 marked money, 300 gramo ng shabu, isang Remington .45 baril, at ang Honda Accord na ginamit ng sindikato.
(RAUL SUSCANO)