WALA raw kupas ang pamamayagpag ng ‘BOOKIES JUETENG’ ngayon sa Lipa City, Batangas.
Huwag daw tayong magtaka dahil ang mga politiko ay hindi lang protector kundi sila pa raw mismo ang operator ng JUETENG/BOOKIES sa lungsod ni Madam Gov. Vilma Santos Recto.
Mukhang gusto ngang ipahiya ng mga lekat si Gobernadora, dahil mismong sa lungsod pa ng Lipa, namamayagpag ngayon ang jueteng.
Katuwang o kasosyo umano ng isang Konsuhol ‘este’ Konsehal na alias ‘PWE’ ang mga talunang politiko na sina alias G.I. at DOBOL M.
Sila umano ay nagpapakilalang malapit na malapit kay Lipa Vice Mayor Erik Africa.
Aba, Lipa City Mayor Maynard Sabili, mukhang hindi nasisindak sa iyo ang mga bagong operator ng Jueteng sa iyong lungsod.
Aksyon-aksyon ka rin Yorme Sabili.
‘Ala ‘e nababarako ka ba ng mga ilegalista?!
Pakisagot lang po!
MGA NASUNUGAN SA NEW ERA, COMPOUND PROTACIO ST., PASAY CITY NAMAMALIMOS SA KALYE
“PARANG wala kaming Mayor.”
‘Yan po ang hinanakit ng mga nasunugan sa New Era Compound, Protacio St., Pasay City.
Ilang araw na po mula nang masunugan sila pero ni ha, ni ho ay wala man lang daw silang natanggap na assistance mula kay Pasay City Mayor Antonino Calixto.
Mukhang ‘busy’ pang masyado sa meeting si Yorme sa Resorts World o kaya sa Midas hotel…
Kahit man lang magpadala ng PURIFIED WATER ‘e hindi raw magawa ni Mayor gayong kailangang-kailangan ‘yan ng mga nasunugan lalo na ‘yung may mga sanggol.
‘E Pasay Congresswoman Emi Calixto, mukhang busy pa ang utol ninyo … malakas ang bulungan sa Pasay na sa next election ‘e tatakbo kang MAYOR, mabuti pa kaya ay umpisahan mo na ang paglilibot ngayon pa lang.
Umpisahan mo d’yan sa mga nasunugan.
Sa totoo lang, hindi mo na kailangan magpunta doon sa nasunog na lugar, makikita mo na sila d’yan sa Taft Avenue, d’yan na sila nakatira at d’yan na rin natutulog kasi hindi man lang sila inasikaso ng mga taga-City Hall?
Tsk tsk tsk …
Baka naman masyadong nalilibang ang UTOL mong si YORME sa mga kabayo n’ya?!
Paki-remind mo na lang, Congresswoman!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com