HANDA ang gobyerno na tulungan ang mga magsasakang nagamit at nakulong dahil sa smuggling operations ni Davidson Bangayan o David Tan.
Magugunitang lumabas kamakalawa sa Senate hearing na ilang magsasaka ang nakasuhan at nakulong dahil nagamit ang kooperatiba sa pag-angkat ni David Tan ng mga bigas.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, sisiyasatin ng gobyerno ang nasabing isyu dahil hindi makatwiran ang pagkakagamit sa mga magsasaka at sila pa ang nadidiin.
Ayon kay Coloma, wala silang sasantohin sa sino mang madadawit sa smuggling kahit pa taga-Malacañang.
Kailangan lamang aniya ng konkretong batayan para mapanagot ang sangkot na opisyal.
Una nang sinabi ni Federation of Philippine Industries (FPI) president Jess Aranza na hindi maglalakas ng loob si David Tan kung walang protector na mataas na opisyal.
(BETH JULIAN)