INIIMBESTIGAHAN ng mga operatiba ng Manila Police District – Scene of the Crime Office (MPD-SOCO) at Homicide Section ang tatlo sa apat na lalaking minasaker sa loob ng isang pedicab na nakahimpil sa madilim na kalsada sa gilid ng National Museum sa kanto ng P. Burgos St., Ermita, Maynila. (ALEX MENDOZA)
PATAY ang apat kuliglig drivers makaraang ratratin kahapon ng umaga sa lungsod ng Maynila.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima sa alyas na Michael Kabayo, Baby Mata, isang alyas Toto, at isang hindi pa nakikilala.
Natagpuang walang buhay at magkakapatong ang bangkay sa loob ng isang kuliglig sa madilim na bahagi ng kalye sa gilid ng National Museum.
Ayon sa testigong si Reynaldo Luha, 35, residente ng #1037 Hidalgo St., Quiapo, Maynila, naglalakad siya sa Taft Avenue, Ermita sa tapat ng Manila City Hall nang makarinig siya ng sunod-sunod na putok ng baril.
Pagkaraan ay nakita niya ang apat kalalakihan lulan ng dalawang motorsiklo habang papatakas patungo sa Divisoria.
Hinala ni SPO3 Glenzor Vallejo, pinagsama-sama ang mga biktima sa loob ng kuliglig saka pinagbabaril.
Ang mga biktima ay nagtatrabaho bilang kuliglig drivers sa rutang Manila City Hall-Escolta.
Ayon sa mga imbestigador, hindi pa nila madetermina ang tunay na pangalan ng mga biktima na may mga tattoo sa kanilang katawan.
Samantala, si Kabayo ay sinasabing miyembro ng Bahala Na Gang.
Narekober ng pulisya sa lugar ang 11 basyo ng bala mula sa .9 millimeter pistol at .45-caliber pistol.
(LEONARD BASILIO/JASON BUAN)