Monday , December 23 2024

Sorry Kap Bong, hindi ka na amazing!

00 Bulabugin JSY
ANG pag-aartista ay isang SINING para bigyang buhay ang karakter na nilikha ng isang manunulat.

At bago pa maging politiko ang mga lahi ng  mga Revilla ay nakilala at minahal muna sila ng bayan bilang magagaling na artista.

At hindi pwedebg ipagkaila na nagamit nila ang kanilang paga-artista sa pagpasok sa politika.

Period!

Pero kakaiba ngayon ang ginagawang pag-aartista ng mga Revilla.

Hindi na lang sila artista sa pinilakang tabing (silver screen) o kaya ay sa telebisyon …

Ginawa na rin nilang ‘ENTABLADO SA PAG-ARTE’ ang Plenary Hall ng Senado na minsang minarkahan ng mga tunay na statesman gaya nina Claro M. Recto, Lorenzo Tañada, Jose W. Diokno, at iba pang lumikha ng kasaysayan sa Philippine politics.

Ang senaryong ito ay klarong-klaro nang mag-emote ‘este’ mag-privilege speech si Bong Revilla, kamakalawa, kasama ang kanyang buong pamilya, ang maybahay na kongresista na isa rin artista, at ang tatay na naka-wheelchair na mula sa pagiging Customs police sa Sangley Point ay naging negosyante, naging artista, at naging real estate broker habang nakaupong senador.

Siyempre, para mapansin daw ay nakisampay rin sa kanila si Philip Salvador.

Habang nagsasalita si Bong Revilla, makikita sa mukha ng mga Revilla ang ekspresyon na tila sila ay inapi at kinawawa.

Luma ang acting ni Lolita Rodriguez sa “Pasan ko ang Daigdig.”

Hik hik hik…

Katakot-takot ang pagtanggi ni Senator Bong na siya ay walang kinalaman sa Pork Barrel scam … parang sinabing … “Kapag nakalusot ako sa privilege speech na ito, goodbye Pareng Jinggoy …” Hehehehe …ginaya si Jinggoy pero parehong bigo sa kanilang privilege speech!?

Pagkatapos ng kanyang “Me Bago Pa Ba?” privilege speech, e nagyapakan ‘este’ nagyakapan na silang magpapamilya habang humihikbi ang amang nasa wheelchair.

(Please Spare your Dad, Bong).

‘Yan daw talaga ang DILEMMA ng mga artista, parang habambuhay na silang AARTE, dahil minsan hindi na nila alam  kung ano ang realidad at kung ano lang ang pampelikula …

Parang gusto na nilang gawing PELIKULA ang kanilang buhay habambuhay.

Hayyyy buhay artista!

Tatapatin kita, hindi ka na AMAZING sa mga fan mo, Kap Bong.

PASAY CITY CHIEF PROSECUTOR SIBAK SA PAGPAPALAYA KAY JERRY SY

SA PAGKAKATAONG ito ay natuwa tayo kay Justice Secretary Leila De Lima nang sibakin niya sa pwesto si Elmer Mitra, ang chief city prosecutor ng Pasay City.

Sinibak ni Secretary De Lima si Mitra matapos palayain ng isa sa kanyang assistant prosecutor ang Chinese national na naaresto sa pagdadala ng sandamakmak na baril, ilan sachet ng shabu, granada at naghabol pa ng saksak sa isang Joseph Ang, ang sinasabing, notorious casino financier sa Resorts World na pinagsanlaan daw niya ng kanyang relong Rolex.

Ipinalit ni SOJ si Niven R. Canlapan bilang bagong chief prosecutor ng Pasay City.

Bukod sa nasabing insidente, matagal na rin umano nakatatanggap ng reklamo si Madam Leila na inaakusahan ang mga Pasay fiscal na napakagaling maglaglag at mag-downgrade ng kaso sa ‘tamang halaga.’

Ang bulungan nga sa Department of Justice, nasa Pasay umano ag pinakamalaking bilang ng mga ‘corrupt’ na prosecutors.

Kaya napapanahon lang daw na i-reshuffle ang mga fiscal sa Pasay kahit na ‘yung medyo tapat sa kanilang tungkulin.

Bukod d’yan, dapat din imbestigahan ni Secretary De Lima kung sino-sino ang mga fixcals ‘este’  fiscal na madalas nakikita sa mga Casino d’yan sa Pasay City at nagpapatalo ng daan-daang libo hanggang milyon.

‘E sa totoo lang, kilalang-kilala sa Pasay City hanggang sa DOJ kung sino-sino ang mga fiscal na ‘yan na lulong sa casino.

Dapat lang na i-lifestyle check ang mga fiscal na ‘yan para malaman kung saan sila kumukuha ng kwartang ipinangsusugal nila.

Aba, bukod sa labag ‘yan sa Code of Canon law na sinumpaan ng mga abogado at civil servants ‘e nakapagtatakang tunay kung paano silang nagkakwarta nang ganyan kalaking halaga.

Busisiin po ninyo Madam Leila de Lima at ng Ombudsman ang Pasay City prosecutors!

NASAAN ANG AMUSEMENT  TAX COLLECTIONS NG MMFF PARA SA MGA MANGGAGAWA SA INDUSTRIYA NG PELIKULA?

HANGGANG ngayon ay inirereklamo pa rin ng Film Academy of the Philippines (FAP) na hindi nakararating sa kanilang hanay ang nararapat na bahagi nila sa nalilikom na buwis sa Metro Manila Film Festival (MMFF).

Sa reklamo mismo ng FAP sa Quezon City Court, mayroon pang kulang na P82.7 million mula sa amusement tax ang MMFF na dapat ibigay sa kanila.

Bukod pa umano ‘yan “undocumented disbursements” na nagkakahalaga ng P102 milyon mula 2002 – 2008.

Mantakin n’yo naman, ang MMFF ay binuo para ipakita sa publiko ang pinakamagagandang pelikulang Filipino sa isang panahon at pinakamagagaling na alagad ng sining sa larangang ito. Kasabay n’yan ay ang pagdedeklara na, bahagi ng kikitain ng nasabing festival ay ilalaan sa mga ordinaryong manggagawa sa industriya.

Pero natuklasan ng mga ordinaryong manggagawa na ‘yan na hindi naman talaga napupunta sa kanila ang nasabing amusement tax collections.

‘E kanino pala napunta?!

Itinuro ni MMDA Chairman Francis Tolentino ang sinundan niyang administrasyon na pinamumunuan ni dating chairman Bayani Fernando.

Aba, Chairman Tolentino, maski naman panahon ni Chairman Bayani ‘yan ‘e mayroon pa rin kayong tungkulin na linawin ‘yan!

Paki-klaro lang po Chairman Francis Tolentino?!

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *