BAGUIO CITY – Patuloy ang babala ng Department of Health-Cordillera (DoH-CAR) sa publiko hinggil sa epekto ng patuloy na pagbaba ng temperatura sa lungsod ng Baguio at sa lalawigan ng Benguet.
Ito ay matapos maitala ngayon linggo ang nasa 18 katao na naospital sa Baguio Ge-neral Hospital and Medical Center dahil pa rin sa influenza-like illnesses tulad ng ubo at sipon.
Ayon kay DoH-CAR Regional Director Amelita Pangilinan, mas magandang manatili na lamang ang mga residente sa loob ng kanilang bahay para mapanatiling ma-init ang katawan at maiwasan ang paghina ng immune system.
Aniya, makabubuti rin ang pagsusuot ng makakapal na damit, pagkain ng maiinit na pagkain, at ang palagiang paghuhugas ng kamay para maiwasan ang pagkalat ng influenza virus.
Bukod sa Baguio City, may mga report na rin sa iba’t ibang lugar sa bansa na maraming nagkakasakit dahil sa tumitinding lamig.
Nitong nakalipas na araw ay naitala ang pinakamababang temperatura sa lungsod ng Baguio na umabot sa 8.1 degrees Celsius, habang sa matataas na lugar sa lalawigan ng Benguet tulad ng Atok at Mankayan ay bumagsak pa sa mas mababa ang temperatura.
Sa kasaysayan ng Baguio City, noong Enero 18, 1961 ay umabot ang tindi ng lamig sa 6.3 degrees Celsius.
Inaasahan lalo pang bababa ang temperatura hanggang sa Pebrero.
(B. JULIAN)