ANG eksklusibong paglago ng ating ekonomiya sa ilalim ng kasalukuyang administrasyong Aquino ay nakalulungkot sapagkat lalo itong nag-aalis ng lakas sa ating mga mamamayan at malinaw na isang banta sa demokrasyang nakagisnan.
Bakit nga ba banta sa demokrasya ang pagkakamal ng yaman ng iilan lamang? Sapagkat nauuwi ito sa korupsyon ng sistema at mga lider ng bayan. Ang eskandalo sa pork barrel, ang kabiguan ng BIR at Bureau of Customs na kumolekta ng tamang buwis, ang mga kababalaghan sa panahon ng halalan, kabilang na ang malawakang bilihan ng boto ay ilan lamang sa patotoo na nakasisisra sa atin ang konsentrasyon ng yaman sa iilan lamang.
Ayon sa Economics 101, ang yaman ng mundo ay limitado samantala ang ating pangangailangan ay hindi. Ito ang tinatawag na batas ng supply and demand. Kapag hindi maayos ang pagsasabuhay nito ay hindi maiiwasang yayaman nang husto ang mga ganid at lalo naman maghihirap ang nakararami.
Ang immoral na kalagayang ito ay hindi maiiwasang resulta ng neo-liberal na kaisipan na inilalako sa taong bayan ni Pangulong Benigno simeon Aquino III at kanyang mga amuyong. Ang hindi makatarungang paghahati ng yaman ang isa sa mga katangian ng walang humpay na pamamayagpag ng pang-ekonomiyang paradaym na ito.
Ayon kay Robert Feinman , “History has shown that when societies get too unequal bad things happen. They either become economically inefficient or they become subject to social unrest. In many cases both happen simultaneously.” Tama siya dahil ang pagkakaipon ng yaman sa iilan ay nagiging sanhi ng kahirapan ng nakararami. Ito ang nagiging ugat ng mga sigalot sa lipunan. Ang kahirapan din na ito ay nauuwi sa food insecurity o kagutuman, mababang uri ng edukasyon at kawalan ng atensyong medical.
Sabi ng United States Department of Agriculture, ang food insecurity ay isang kalagayan na may kakulangan ng masustansyang pagkain para sa taong bayan o kawalan ng kakayahang bumili ng tamang pagkain.
Ang kagutuman ay nararamdaman ng Karamihan lalo na ng mga taga-slum area at mga liblib na pook. Ito ay hindi lamang suliraning moral at politikal bagkus problemang pangkalusugan rin. Alam naman natin na ang mga taong palagiang gutom ay mahina ang kukote (Intellectual Quotient o IQ) at mababaw ang emosyon (Emotional Quotient o EQ). Dangan kasi ang mga sentro ng IQ at EQ, ang utak at puso, ay kapos sa kinakailangang sustanysa upang maging maayos. Dahil sa madalasang kagutuman bunga ng kawalang yaman ay hindi nangyayari ito.
(Itutuloy)
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Kontakin ninyo si Gene Lorenzo sa [email protected] para sa karagdagang impormasyon.
Nelson Forte Flores