Monday , December 23 2024

VK kahit saan, awtoridad nasaan?

KUNG may time, puwedeng aliwin ni Quezon City Mayor Herbert Bautista ang kanyang sarili.

Seryoso ang usapin sa mga operasyon ng video karera (karera ng kabayo sa video) sa lungsod pero dahil mistulang hindi naman interesado ang butihing mayor na manindigan laban sa problema, puwedeng patulan na lang niya ang pang-aaliw ng mga “untouchable” na hari ng video karera sa lungsod.

Sa Quezon City lang, pinangangasiwaan ng tatlong itlog na sina Jojo Cedeno, Lando at Dakne ang kani-kanilang gambling machine operations sa mga lugar na saklaw ng QC Police District Stations 3, 4, 5 at 6.

Nakatatawa lang na walang ginagawa ang mga police stations na nabanggit upang masawata ang pamamayagpag ng mga gambling lord.

Pero kung seseryosohin lang ni Mayor Bautista ang problema, panahon na sigurong utusan niya ang kaibigan kong si Chief Superintendent Richard Albano, Quezon City Police District chief, na alisan ng maskara ang mga sangkot at ikadena ang lahat ng mga patayaang ito.

Nakatatawa rin kung bakit hindi pa inuutusan ni Albano ang kanyang mga station commander na kompiskahin ang lahat ng video karera units na nagkalat sa lungsod.

Pinoprotektahan ba niya ang mga tauhan niyang may regular na kinukubra sa negosyo ng video karera? Sana ay mali ako.

***

Tiba-tiba si Jojo Cedeno sa kanyang negosyo. Ayon sa aking mga espiya, sa unang bahagi ng buwang ito ay pinasok na niya maging ang Pasay City at doon siya naglatag ng kung ilang dosenang makina ng video karera.

Pakibusisi nga po ito, Mayor Tony Calixto. Malamang na hindi kokonsintihin ng bagong talagang chief of police ng siyudad na si Senior Supt. Florencio Ortilla ang patuloy na paghahari sa lungsod ng ilegal na negosyo.

***

Mukhang bagyo talaga sa lakas ang hari ng video karera na si Buboy Go kay Malabon City Mayor Antolin “Lenlen” Oreta! Hanggang ngayon kasi’y walang makatibag sa mga operasyon ng video karera na nananatiling talamak sa lungsod.

Nagkalat ang mga makinang video karera sa Malabon, at mistulang nakatali ang kamay ni Senior Supt. Severino Abad laban sa pagsugpo rito, dahil ang city police ay nasa ilalim din ni Oreta. Hindi kaya ubrang disiplinahin ni Department of Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa publiko si Oreta dahil sa kawalang aksiyon? Teka, naalala ko’ng ang mga Oreta ay kaanak nga pala ng mga Aquino. Hindi sila related sa mga Romualdez, so…

Puwes, palagay ko’y si Chief Supt. Edgar Layon, Northern Police District director, na lang ang nag-iisang pag-asa para masawata ang ilegal na sugal kung wala rin lang maaasahang kahit ano mula kay Mayor at sa kanyang city police chief.

***

Samantala, patuloy sa pamamayagpag sa Maynila ang mga VK operator na sina Gina at Romy Gutierrez, binibiktima ang mga Manileño sa pang-uumit ng mga kakala-kalansing na barya mula sa kani-kanilang bulsa sa tulong ng kanilang mga makina.

Masyadong naaaliw ang mga mananaya sa karera sa video na hindi na nila napapansin na sinasaid na ng mga buwakaw na makina ang pinaghirapan nilang pera para sa kapakinabangan ng mga ilegal na nagnenegosyo sa siyudad.

Sa issue ng Firing Line nitong nakaraang Martes, ipinaalala kay Chief Superintendent Isagani Genabe Jr., Manila Police District director, ang masaklap na katotohanang ito. Pero mistulang dedma ang kinauukulan.

Pero baka mas mapapansin tayo ni Chief Inspector Bernabe Irinco, Jr., ang hepe ng Manila Action and Special Assignment (MASA) ng city hall. Tingnan nga natin kung aaksiyon ang MASA. Pakikompiska at pakisunog nga po ang mga makinang ‘yan, Major Irinco.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

Robert B. Roque, Jr.

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *