BALIK-CONCERT scene ang mga kilabot ng entablado noong araw na sina Chad Borja, Renz Verano, Richard Reynoso, at Rannie Raymundo na tinawag nilang OPM Hitmen ang kanilang grupo na magkakaroon ng concert na may titulong An Evening With The Hitmen sa The Music Museum sa Pebrero 3 mula sa J O Entertainment Productions.
Wala pa ring kupas ang mga boses ng apat maski na naglalakihan na ang kanilang mga tiyan at halata na ring may mga edad na pero base sa performance nila sa nakaraang presscon na ginanap sa The Library sa Metro Walk ay puwede pa rin silang habulin ng girls, ‘di ba ateng Maricris? (Naman!! Malakas pa rin ang dating nila, in fairness—ED)
Ipinarinig ng apat ang hit songs ng APO Hiking Society kaya naisip namin kung tribute ba kina Jim Paredes, Buboy Garovillo, at Danny Javier ang An Evening with The Hitmen concert ng grupo?
Anyway, naabot nina Chad, Richard, Renz, at Rannie ang tagumpay noong dekada ‘80 at halos lahat ng girls ay nababaliw sa kanila noon na katulad din ng mga nangyayari ngayon sa baguhang male singers.
Pero malaki ang pagkakaiba ng mga singer noon kaysa mga baguhang singer ngayon dahil, “kami kasi rati kapag nakasama namin sa isang show o probinsiya ang mga sikat na singer like Rico J. Puno at iba pa, talagang nagbibigay galang kami, kami ang unang bumabati, nakikipag-kamay, nakikipag-kuwentuhan kasi heto (lampas tao) ang level nila, kami rito lang (dibdib), so we really looked up to them. And aminin natin, they’re really good hanggang ngayon, kita mo naman, ‘di ba?”
Base sa one-on-one interview kay Rannie ay may mga naranasan siya, “for some people siguro is disrespect. Para sa akin, daanan mo ako, I don’t have problem with that kasi hindi ako feeling din, eh. Kung ayaw nila (baguhang singers) huwag.
”I will not name names and I will not even name any network.
“It’s easy, you just go backstage, noong panahon namin, maaninagan mo palang naroon si Rico (Puno), even Randy Santiago, batiin mo lang, ‘kumusta?’ Hindi mo naman kailangang magkakilala kayo (personal) para magbatian kasi kilala mo ‘yun kasi napapanood mo siya,” kuwento ni Rannie.
Baka naman kasi nahihiya ‘yung mga baguhang singer ngayon na bumati sa mga senior singer?
“Well, nahihiya man, pero alam ko pa rin ‘yung nahihiya o hindi, I have a gift, I can read people, alam ko ‘yung nahihiya at alam ko rin ‘yung ‘feeling’ (sikat), eh, mas marami ‘yung ‘feeling’.
“I think also, it’s the handlers, huwag nating masyadong isisi sa mga bata. Mas nauna pang lumalaki ang ulo ng mga handler, ‘di ba? Eh, kawawa naman ‘yung mga bata.
“Noong araw namin, hindi puwede ‘yun, I think we are the last of the Mohicans, in our batch,” kuwento ni Rannie.
At kapag ganoon na raw ang nararamdaman ni Rannie, “naaawa ako sa kanila kasi gusto kong sabihin na, ‘hija, hijo hindi kayo tatagal n’yan. Kakaawa naman kayo, subukan ninyo ‘yung paraan namin, tatagal kayo,” payo sa mga baguhan.
Maraming beses na raw nakaranas ng mga ganitong eksena si Rannie sa mga show na nakakasama niya ang mga baguhan, “’pag ganoon, ako na ang umang bumabati, sabi ko, ‘hello.’”
Mga solo artist ang ikinukuwento ni Rannie at may mga banda rin daw siyang na-encounter.
“Sa band scene naman noong araw, panahon ng Cosmo (lounge), Strumm’s, pagdating mo sa Strumm’s, ang kadalasang ka back to back mo, either Side A, DV8, Vanna-Vanna, magkakakilala lahat ‘yan, at batian talaga at magkakainan kami sa Rufus (famoust tapa Restaurant).
“Ngayon, ‘yung mga bagong banda ngayon, pataasan at pakiramdaman. Gusto kong sabihin, ‘pasalamat kayo at tumutugtog tayo,’” napangiting sabi ni Rannie.
At nasambit na lang ni Rannie, “mabuti na lang at napalaki ako ng mabuti ng magulang ko, kasi anuman ang puri sa ‘yo, para sa magulang ‘yun.
“Hindi naman nakaka-frustrate kasi hindi naman ako ‘yun, ang akin lang, sana alam n’yo ang tama para mas tatagal kayo. Everything is temporary, kahit nga ‘yung pinakamagandang katawan ngayon, after five years, iiba na ang hitsura mo, lalo na ‘yung pagkatapos nila ng gig, diretso sa inuman,” say ng singer.
As of now ay may sariling bar si Rannie sa may Crossings at minsan ay tumutugtog pa rin siya.
Reggee Bonoan