NAMAALAM na sa mundo ng boksing ang World Boxing Council president Don Jose Sulaiman sa edad na 82.
Si Sulaiman na kinukunsidera na supporter ng mga Pinoy boxers ay namatay dahil sa komplikasyon.
Matatandaang sumalang sa isang major heart surgery sa UCLA Medical Center nitong nakaraang Oktubre ang presidente ng WBC. At tulad ng isang matapang na matador, matagal na nilabanan ni Sulaiman ang sakit pero nito ngang nakaraang araw ay hindi na niya nakayanan pa at tuluyan nang namaalam sa mundong ibabaw.
Si Sulaiman ay naging WBC president noong Disyembre 1975. Naging tagapagmana siya ng posisyon na iniwan ni Justiniano Montano Jr., dating chairman of the Games and Amusements Board bilang president ng pinakaprestihiyoso ngayong boxing organization na ang constitution and by-laws ay nililok ni Rudy Salud, ang siya namang kauna-unahang sec-gen ng organisasyon.
Minsan inamin ni Sulaiman na partikular na paborito niya si Manny Pacquiao na kahit pa napakaraming belts na natipon sa iba-t ibang organisasyon ay mananatiling kampeon siya sa WBC na unang lumikha ng pamosong green and gold belt na napanalunan niya kay Chatchai Sasakul noong Disyembre 3, 1998 sa Bangkok.