IGINIIT ng board governor ng San Mig Super Coffee na si Rene Pardo na hindi babalik ang Coffee Mixers sa dati nitong pangalang Purefoods.
Ilan kasing mga tagahanga ng Mixers ang humingi sa koponan na muling gamitin ang Purefoods dahil mas kilala ito sa mga taong sumusubaybay sa PBA.
“Nabasa ko nga yung sulat ng mga fans,” wika ni Pardo bilang reaksyon sa muling paggamit ng San Miguel Beer kapalit ng Petron Blaze. “Pero yung partner namin na Americans, ayaw naman gumastos.”
Kasosyo ng Purefoods ang sikat na kompanyang Hormel sa paggawa ng hotdogs at iba pang mga karne sa Pilipinas.
Idinagdag ni Pardo na mas kailangan ng San Mig ng promotion kaya mananatili ang nasabing tatak ng kape bilang pangalan ng koponang hawak ng prangkisa ng Purefoods.
“Malakas na naman ang brand na Purefoods in the hotdog market. San Mig is up against other coffee brands na may sachet and we need the promotion,” ani Pardo.
Ilang taong ginamit ang Purefoods bago pinalitan ito ng B Meg at ngayon, San Mig.
Noong 1993 hanggang 1994 ay ginamit nito ang pangalang Coney Island Ice Cream. (James Ty III)