KAKAIBA talaga ang takbo ng kukote ni Justice Secretary Leila de Lima pagdating sa pagtatakip sa kabiguan niyang magsakdal ng mga lider ng sindikato sa hukuman.
Noong nakaraang buwan lang ay inamin ni De Lima na nabigo ang National Bureau of Investigation (NBI) na hanapin ang tinutukoy na David Tan ng Senate committee report noong Pebrero 2013, bilang utak ng rice smuggling sa bansa.
Napilitang kumibo si De Lima sa isyung ito matapos ang sunod-sunod na pagbubulgar sa pagiging hari ng rice cartel ni Tan pero hindi inaaresto ng NBI sa kabila ng sandamakmak na dokumentong ibinigay sa kanila ng Senado para maging tuntungan sana ng imbestigasyon.
Tulad ng isang teleserye, nagkaroon ng ‘twist’ ang script ni De Lima nang isiwalat ng ilang grupo na ang tunay na pangalan umano ni Tan ay Davidson Bangayan na tubong Davao City.
Kasunod nito, nagbanta ang isa sa iniidolo nating public servant na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na papatayin niya ang sino mang rice smuggler sa kanilang siyudad.
Dito na biglang inilabas ng NBI ang kopya ng pasaporte ni Bangayan kaya nakita ng publiko ang kanyang hitsura, at kinabukasan, nakipagkita siya kay De Lima para itanggi na siya ang tinutukoy na David Tan na kingpin ng rice cartel.
Alam naman ng publiko na wala namang lider ng sindikato na gagamit ng tunay niyang pangalan sa illegal na negosyo kaya lokohan na lang at panggagago na lang sa taong bayan ang pakulo nina De Lima at Bangayan.
Lalo na ngayong lalakas ang loob ng mga lider ng sindikato na ipursige ang illegal na negosyo, dahil hindi naman pala sila aarestuhin ng awtoridad kung alyas ang ginagamit nilang pangalan.
Sa halos apat na taon ni De Lima sa administrasyong Aquino, mayroon na bang naisampang kaso ang DoJ laban sa sino mang lider ng sindikatong kriminal, lalo na sa smuggling at illegal drugs na umusad sa hukuman?
Hindi naman yata puwedeng ang pag-iimbestiga at paglilitis sa kriminal ay daanin na lang lagi sa publisidad, tulad ng nakahuhumalingang ‘bisyo’ ni De Lima.
Paano nga pala kung ang lahat ng kriminal ay gagamit ng alyas, tulad ng mga gambling lord? Ibig ba’ng sabihin ay lusot na sila sa batas dahil mahihirapan pala silang hulihin, kasuhan at ipakulong ng DOJ, NBI at PNP?
Kapag nagpatuloy pa ito, hindi malayong maging palaruan na ng international syndicate ang Pilipinas at sila na ang magpapasya kung sino ang iluklok na mga opisyal ng gobyerno.
Totoo kayang may planong kumandidato si De Lima sa 2016 elections?
Ang kapal naman talaga, kung totoo ‘yan!
Mas bagay na fiction writer na lang ng mga walang kuwentang pelikula si De Lima kaysa maging government official dahil mahilig siyang gumawa ng script.
“MA’AM ARLENE” PROBE, P10-B
PORK BARREL SCAM, TUTUKAN
ILANG araw na lang ay tapos na ang Enero 2014, at hanggang ngayon ay hinihintay pa rin ng sambayanang Pilipino na matupad ang pangako ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na isasampa sa Sandiganbayan ang mga kasong may kinalaman sa P10-B pork barrel scam.
Nasasabik na ang publikong makita na nakapiit ang mga nagsabwatan para ibulsa ang pera ng bayan, at ang masilayang nakapiit ang mga hindoropot na politiko.
Maging ang resulta ng imbestigasyon ng Korte Suprema sa katiwalian sa hudikatura sa pamamagitan ng influence peddler at court fixer na si “Ma’am Arlene” o Arlene Angeles Lerma, ay inaabangan din ng lahat.
Sabi nga ni PNoy, “Kung walang corrupt, walang mahirap.” Kaya naniniwala tayo na ang kahihinatnan ng dalawang isyu ang magbibigay ng tunay na kahulugan sa kampanya kontra-korupsiyon na ipinagmamalaki ng administrasyong Aquino.
NAKABABAHALA
ANG PAGLOBO NG KRIMEN
SA MAYNILA
NOONG nakaraang kampanya, kasama sa mga pinakawalang paninira ng kampo ni ousted president at convicted plunderer Erap Estrada para itambol ang kanyang kuwestiyonableng kandidatura ay mataas daw ang insidente ng carnapping sa Maynila.
Ibinase lamang ito sa isang fabricated report na lumabas sa isang peryodiko.
Pero ngayon, hindi lang carnapping ang madalas mangyari sa Maynila. Masuwerte na kung isa lang sa isang araw ang napapaulat na napatay sa nakababahalang pagtaas ng kriminalidad mula nang maupo si Erap sa lungsod.
Lumobo rin ang insidente ng mga pagnanakaw at panghoholdap ng riding in tandem, snatching at panloloob pati sa mga mall na martilyo lang ang gamit na armas.
Pwera pa riyan ang mga insidenteng hindi napapaulat sa media, tulad ng malalang krimen na nangyayari sa Baseco na pinaghaharian ng mga dayong residente sa Maynila.
Wala kayang kinalaman ito sa pagpasok ng mga pulis na ipinuwesto ni Erap sa Manila Police District (MPD)?
(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])
Pecy Lapid