NAKATUTUWA ang pagsasama-sama nina Chad Borja, Rannie Raymundo, Renz Verano, at Richard Reynoso na mas kilala bilang The Hitmen. Bale mapapanood sila sa isang napakagandang concert, ang An Evening With The Hitmen sa The Music Museum sa February 3 mula sa J O Entertainment Productions.
Kung ating matatandaan, sumikat sina Chad, Rannie, Richard, at Renz noong early 90’s . Unang nakilala si Chad sa kanyang hit song na Ikaw Lang, si Renz sa Remember Me, si Rannie ay sa Why Can’t It Be?, at si Richard naman ay sa Paminsan-Minsan.
Ayon kay Rannie, last year nabuo ang kanilang grupo na layuning paunlarin pa ang OPM songs. Bale sa pagsasama-sama ay nagkaroon na agad sila ng sunod-sunod na concert tulad sa Resorts World Manila. May inquiries na rin para mag-show sila sa abroad. And this February ay sa Music Museum naman sila mapapanood na puro OPM songs ang kanilang kakantahin.
Sinabi pa ni Rannie na bukod sa mga show, plano rin nilang apat na makapag-record ng album, all original Filipino music na komposisyon niya.
“Marami na akong na-compose na kanta, bale galing iyon doon (ire-record). Hindi naman kasi ako huminto ng pag-compose,” ani Rannie. Bale this year, inaasahang ilalabas ang album.
Sa presscon ay nagbigay ng sample ang apat sa kung ano ba ang mapapanood sa February 3 at talagang nag-enjoy ang lahat ng entertainment press na naroon. Hindi pa rin talaga kumukupas ang galing nila sa pagkanta. Kaya sa mga gustong ma-enjoy ang OPM songs, go na kayo sa Music Museum sa Feb. 3. Ang tiket ay nagkakahalaga lamang ng P1,500, P1000, at P800. Para sa ibang katanungan, maaaring mag-text o tumawag sa 09153549347/09173705691.
Maricris Valdez Nicasio