ISASAILALIM sa look out bulletin ng Department of Justice (DoJ) ang kontrobesyal na negosyanteng si David Bangayan.
Inihayag ito ni Justice Secretary Leila de Lima kasunod ng nakalap na mga impormasyon kaugnay sa posibleng pagkakasangkot ni Bangayan sa rice smuggling dahil sa hinalang siya rin ang negosyanteng si David Tan.
Kasabay nito, inatasan ng kalihim ang National Bureau of Investigation (NBI) na ituloy ang pagkalap ng karagdagang mga impormasyon at katibayan na si David Tan at Davidson Bangayan ay iisang tao lamang.
Batay sa isa sa mga testigo ng NBI na mula sa isa sa mga kooperatiba ng bigas, si Bangayan at Tan ay iisang tao lamang.
Sinabi pa ni De Lima, nakipag-ugnayan na rin ang NBI sa Caloocan RTC para mabigyang linaw ang mandamyento de aresto na ipinalabas nito laban sa isang David Tan na inaakusahan ng pagnanakaw ng koryente.
Nabatid na hindi karaniwan ang katagang “who is not” sa isang warrant of arrest dahil kadalasan mga aliases ang isinasama sa pangalan ng mga taong ipinaaaresto.
Dapat aniyang mabigyan ito ng linaw lalo pa’t kung pagbabatayan ang rekord ng kaso sa RTC, ang address ng David Tan at Davidson Bangayan ay iisa lamang.
Samantala, binigyang-diin ni De Lima na kahit pinalaya si Bangayan na una nang lumutang sa DoJ, ay hindi pa rin siya lusot sa isyu ng rice smuggling.
Inihayag ito ng kalihim matapos mabigo ang NBI na ma-detine si Bangayan matapos magprisinta ng mga dokumento upang itanggi ang na siya ang “rice smuggler king” na si David Tan.
Ayon kay De lima, naninindigan ang NBI sa inisyal na imbestigasyon na si Bangayan at si David Tan ay iisang tao lamang.
Kasabay nito, hinamon ng kalihim ang NBI na kumalap nang mas matibay pang mga ebidensya na magpapatunay na si Bangayan ay si Tan na nasa likod ng malawakang smuggling ng bigas sa bansa na ipinatutugis din ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte. (BETH JULIAN)